Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kwentong Bayan. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Kwentong Bayan. Ipakita ang lahat ng mga post

Lunes, Hulyo 13, 2009

Mula sa mga Bukidnon sa Mindanao
NUONG matagal nang nakaraan, may isang dambuhalang alimango na lumusong sa dagat. Dahil sa laki niya, umapaw ang dagat at natakpan ng tubig ang buong daigdig. Lahat ay nalunod.

Bandang isang buwan bago nangyari ito, hinayag ng isang marunong lalaki sa mga tao na dapat silang gumawa ng isang malaking balsa (raft). Sumunod ang mga tao, pumutol ng maraming malalaking punong kahoy (arboles, trees) at pinagtali-tali hanggang nakagawa sila ng 3 palapag (cubiertas, decks). Tapos, iginapos nila ang balsa ng mahaba at matibay na yantok (caña, rattan) sa isang malaking puno na nakatusok sa lupa.

Hindi nagtagal pagkatapos nila, dumating ang malaking baha. Umagos ang tubig mula sa mga bundok at umapaw ang dagat hanggang natakpan pati ang mga pinaka-matayog na bundok. Nalunod lahat ng tao at hayop, naligtas lamang ang mga nakasakay sa balsa. Paghupa ng tubig, natuklas nilang malapit sila sa kanilang tahanan (hogar, home) sapagkat hindi napatid ang yantok na pinang-gapos nila sa puno. Natuklas din nila na sila na lamang ang nalalabing tao sa buong daigdig.

May hawig itong alamat sa diluvio universal ng Biblia kaya ang unang hinala ay hiniram lamang mula sa mga catholico at Muslim sa paligid at inilapat ng mga Bukidnon sa sariling diwa. Gayon man, may katangian ang alamat ng pagbaha ng ibang Pilipino na kakatwa sa ulat ng catholico at Muslim. Isang halimbawa itong alamat ng mga Igorot. -- Mabel Cook Cole

Mula sa mga Igorot ng Cordillera
NUONG unang panahon, walang mga bundok, pantay at patag ang daigdig. Si Lumawig, ang dakilang diwata, ay may 2 anak na lalaki na mahilig mangahoy (cazar, hunt). Ang hirap lamang, walang bundok kaya walang mainam na puok manghuli ng hayop kaya minungkahi ng mas matandang kapatid, “Patagasin natin ang tubig hanggang matakpan ang buong daigdig, nang tumaas ang lupa at magkaruon ng mga bundok!”

Pina-agos nga nila ang tubig at nang lunod na ang buong daigdig, kinuha nila ang buslo ng ulo (cesta de cabeza, head-basket) ng kabayanan ( pueblo, town) at ginamit nilang bitag (trampa, snare) parang panghuli ng isda. Tuwang-tuwa ang magkapatid nang nakita ang nahuli nila sa bitag, maraming usa (ciervos, deer) at baboy damo (verracos, wild boars). At maraming tao na nalunod din sa bahâ.

Mula sa kanyang luklukan (trono, throne) sa langit (cielo, heaven), napansin ni Lumawig ang pagbahâ sa daigdig na ginawa ng kanyang mga anak. Nakita niyang nalunod lahat ng tao maliban sa isang lalaki at isang babaing magkapatid sa Pokis. Pinasiya ni Lumawig na bumaba sa lupa at sagipin ang magkapatid.

“Buhay pa pala kayo,” sabi ni Lumawig sa batang magkapatid.

“Opo, buhay pa kami,” sagot ng kapatid na lalaki, “subalit ginaw na ginaw kami.”

Inutusan ni Lumawig ang kanyang usa at aso (perro, dog) na ikuha ng apoy upang magpa-init ang magkapatid. Agad lumangoy sa baha ang 2 hayop subalit matagal nang naghihintay si Lumawig, hindi pa bumabalik ang kanyang usa at aso. Lalo giniginaw ang magkapatid kaya lumakad na rin si Lumawig at hinanap ang kanyang mga inutusan.

“Bakit ba ang tagal-tagal ninyong magdala ng apoy sa Pokis?” tanong ni Lumawig pagkakita sa usa at aso. “Bilisan ninyo at susubaybayan ko kayo, nangangatog na yung mga batang lalaki at babae!”

Kumaskas ang usa at aso subalit saglit pa lamang sila lumalangoy, nabasa sa bahâ at namatay ang dala nilang apoy. Pinakuha sila ng apoy ni Lumawig. Sa pang-2 pagkakataon, nagdala ng apoy ang 2 hayop subalit nabasa uli at namatay ang apoy na dala ng usa. Pati ang apoy na dala ng aso ay muntik nang mamatay din kung hindi sinunggaban ni Lumawig, at siya na ang nagdala sa Pokis.

Gumawa ng malaking sigâ si Lumawig at nabuhayan ang magkapatid. Sa init ng apoy, natuyo rin ang baha na bumabalot sa daigdig kaya, hindi nagtagal, nagbalik ang dating hugis ng daigdig maliban sa, ngayon, mayruon nang mga bundok. Nag-asawa ang magkapatid at nagka-anak ng marami at ganuon nagka-tao uli sa daigdig.

Mula sa mga Ifugao ng Cordillera
Hindi umulan nuong isang matagal na tag-tuyot (sequia, drought) sa nakaraan at, sa init ng araw, natuyo lahat ng ilog. Minungkahi ng mga matanda (mayores, elders) na hukayin ng mga tao ang mga sahig ng ilog (lechos, riverbeds) upang malantad ang diwa (espiritu, soul ) ng ilog. Tatlong araw naghukay ang mga tao bago biglang bumulwak ang tubig. Sa lakas at bilis ng agos, marami sa mga naghukay ang nalunod subalit tuwang-tuwa ang mga Ifugao at nagdiwang sila sa pagbalik ng maraming tubig. Nagsasaya pa sila nang nagsimulang bumagsak ang malakas na ulan.

Hindi tumigil ang ulan at nagsimulang umapaw ang mga ilog hanggang umabot ang bahâ sa bundok. Pinayuhan ng mga matanda ang mga tao na umakyat sa mga tuktok ng bundok sapagkat nagalit daw ang diwata ng mga ilog. Nagtakbuhan ang mga tao subalit inabutan sila ng tubig at 2 lamang, ang magkapatid na babae at lalaki, ang nakaligtas sa pagka-lunod. Ang magkapatid, sina Wigan at Bugan, ay napipilan sa tuktok ng 2 bundok, ang Amuyao at Kalawitan. May sapat silang pagkain subalit ang kapatid na babae lamang, si Bugan, ang may apoy kaya ginaw na ginaw si Wigan, ang kapatid na lalaki.

Pagkaraan ng 6 buwan (meses, months), natuyo rin ang bahâ at naiwang uka-uka at matatarik ang lupa. Sinundo ni Wigan ang kapatid sa bundok Kalawitan at namahay sila sa libis. Pagtagal, napuna ni Bugan na buntis siya. Hiyang-hiya siya dahil ang kapatid ang bumuntis sa kanya kaya tumakas siya at naglakad pabaybay sa ilog.

Isang diwata, si Maknongan, ang nagpakita sa kanya bilang isang matanda. Pinahinahon niya si Bugan at sinabing hindi siya dapaat mahiya sapagkat silang dalawa lamang ng kapatid niya ang makakapag-parami uli ng tao sa daigdig.

Mula sa mga Kiangan Ifugao ng Cordillera
Si Kabigat ang unang anak na lalaki ni Wigan, isang diwata. Umalis siya sa Hudog (cielo, sky, langit), kasama ang kanyang mga aso, at bumaba sa lupa upang mangahoy. Nabigo siya sapagkat patag (llano, flat) ang buong daigdig kaya hindi niya narinig ang alingawngaw (echo) ng kahol (ladrido, bark) ng kanyang mga aso. Matagal nag-isip si Kabigat bago nagpasiyang bumalik sa Hudog at kumuha ng isang malaking tela (cloth). Isiniksik niya ito sa bukana (boca, mouth) ng mga ilog (rios, rivers) upang harangin (represar, dam) ang agos ng tubig papunta sa dagat. Pagkatapos, bumalik uli sa Hudog si Kabigat at sinabi kay Bongabong ang ginawa niya.

Nagtungo si Bongabong kina Ulap (nube, cloud) at Hamog (niebla, fog) at inutusang umuwi sa kanilang ama, si Baiyuhibi. Si Baiyuhibi ang nag-utos sa kanyang mga anak na umulan sa lupa hanggang hindi sila pinatigil ni Bongabong. Tatlong araw bumuhos ang ulan (lluvia, rain) at natakpan ang buong daigdig bago sila pinahinto ni Bongabong. Nuon inutos ni Wigan sa kanyang anak, si Kabigan, na alisin na ang harang na tela sa mga ilog. Sa lakas ng sambulat ng naipong tubig, nauka ang mga libis (valleys) at nabuoang mga bundok. Inutusan naman ni Bongabong si Mumba’an na patuyuin ang lupa.

Mula sa mga Atá sa Mindanao
Tinakpan ng tubig ang buong daigdig. Nalunod lahat ng Atá maliban sa 2 lalaki at isang babae na tinangay ng agos (curso, current) sa gitna ng dagat. Namatay dapat sila kung hindi dumating ang isang malaking lawin (aguila, eagle) at inalok silang sumakay sa kanyang likod at ililipad niya pabalik sa kanilang tahanan. Tumanggi ang isang lalaki, subalit sumakay ang pang-2 lalaki at ang babae at ibinalik sila ng ibon (ave, bird) sa Mapula.

Mula sa mga Mandaya sa Mindanao
Isang malaking bahâ minsan nuong nakaraan ang lumunod sa lahat ng tao sa daigdig maliban sa isang buntis (embarazado, pregnant) na babae. Dinasal ng babae na, harinawa, maging lalaki ang kanyang anak. Natupad ang kanyang panalangin (rezo, prayer) at pinangalanan niyang Uacatan ang kanyang anak na lalaki. Nang lumaki si Uacatan, nag-asawa sila ng kanyang ina (madre, mother) at lahat ng Mandaya ay nagmula sa kanilang dalawa.
MINSAN, may isang lalaki na may asawa na hindi maganda. Dumating ang panahon, ayaw na niyang makita kaya lumayas siya at nag-asawa ng ibang babaing mas maganda. Naghinagpis ang kanyang unang asawa, at umiyak araw-araw. Isang araw, lumuluha ang babae habang umiigib ng tubig sa balon ( pozo, well ). Dumating ang isang matandang babae.

“Bakit ka umiiyak?” tanong ng matandang babae na, ang totuo, ay mangkukulam (bruja, witch).

“Iniwan ako ng asawa ko,” hikbi ng unang asawa, “at nag-asawa ng iba!”

“Bakit?”

“Kasi hindi raw ako maganda!” bulalas ng unang asawa na tuluyan nang napahagulhol. Naawa ang mangkukulam at hinipo nang sandali ang mukha ng umiiyak na babae. “Hindi na ako makatagal dito!” hikbi ng unang asawa. Bitbit ang inigib na tubig, umuwi na ang unang asawa.

Napansin niya habang naglalakad sa daan na tinititigan siya ng mga tao. Pati ang mga kaibigan niya ay napapa-tunganga, at parang hindi siya nakilala. Hindi kumibo ang unang asawa dahil akala niya pinapanuod ang pag-iyak niya. Yumuko na lamang ang babae at humangos pauwi habang patuloy ang pagluha, awang-awa sa sarili.

Pagdating sa bahay, napasulyap ang unang asawa sa salamin. Bigla siyang natigilan. Hindi niya nakilala ang babaing nakita sa salamin! Napaka-ganda ng mukha niya, pinaka-maganda sa buong kabayanan!

Mabilis kumalat ang balita sa buong kabayanan na may napaka-gandang babae na nakatirang mag-isa sa bahay ng unang asawa. Dumagsa ang mga tao duon upang masulyapan paulit-ulit ang magandang dilag. Pati ang lumayas na asawang lalaki ay nakasagap sa balita. Nagtataka, bumalik siya sa dating tirahan upang makita ang magandang babae.

Palinga-linga ang lalaki, hinahanap ang kanyang unang asawa na, hindi niya alam, ay hindi na niya makikita kailan man. Ang kanyang nakaharap ay ang napaka-gandang babae. Napayuko na lamang ang lalaki at nagpahayag ng pag-ibig. Ang magandang babae, na talagang ang lihim na unang asawa, ay ayaw maniwala sa nanliligaw na lalaki. Isang dahilan ay may kinakasama na siyang babae.

Sa wakas, hinayag ng lihim na unang asawa, “Kung iiwan mo agad ang kinakasama mong babae, at mabilis kang lumipat dito, tatanggapin kitang asawa ko.”

Walang abog-abog na iniwan ng lalaki ang pang-2 asawa at tumira uli sa dating bahay, kasama ang hindi niya alam na una niyang asawa. Ang napag-iwanang pang-2 asawa naman ay galit na galit nang mabalitaang nagtanan ang lalaki sa napaka-gandang babae. Lalo siyang nagsiklab nang kumalat ang bulong-bulong na ang magandang babae ay talagang ang unang asawa na pina-ganda lamang ng isang mangkukulam. Masugid na inusisa itong balita ng pang-2 asawa hanggang natuklas niya ang buong pangyayari. Pinasiya niyang ganuong din ang gawin upang mapa-ganda rin siya ng mangkukulam. Mula nuon, araw-araw siyang nagtungo sa balon at umiyak hanggang, isang araw, isang matandang babae ang lumapit sa kanya.

“Bakit ka umiiyak, ale?” tanong ng matandang babae na, sa katunayan, ay ang mangkukulam na dating dumalaw duon.

“Iniwan ako ng asawa ko,” hikbi ng pang-2 asawa, “at sumama sa magandang babae!”

Marahang hinipo ng mangkukulam ang mukha ng pang-2 babae at sinabi,
“Huwag ka nang umiyak at umuwi ka na. Malapit na ang katapusan ng paghihirap mo!”

Sagsag umuwi ang pang-2 asawa upang maghanda sa akala niyang pagbalik ng kanyang lalaki. Subalit sa daan pa lamang, napansin niyang lahat ng nakasalubong niya ay tumatakbo sa takot pagkakita sa kanya. Pagdating sa bahay, agad humarap sa salamin ang pang-2 asawa at napatili. Ang pangit-pangit niya! Buong mukha ang haba ng ilong niya. Luwa at kasing lapad ng mangkok ang mga mata niya. At parang dahon ng saging ang mga tenga niya.

Dahil sa pagka-pangit-pangit ng pang-2 asawa, walang payag na lumapit sa kanya. Nawalan ng luob ang babae at hindi na kumain mula nuon, at namatay pagkaraan lamang ng ilang araw.
MAHIRAP si Kamanla subalit masipag kaya lagi siyang abala (ocupado, busy). At lagi nang pinupuri ang sarili - kapag nagsasalita, isinisingit niya sa ika-3 o ika-4 kataga ang “la,” ang huling pantig (silaba, syllable) ng kanyang pangalan at - mas mahalaga - kataga ng pagpuri at pang-pasigla. Minsan, gumawa siya ng isang bangka na pina-ganda niya at, pagkatapos, kinausap niya nang kinausap

“Bangka kong maayo, la, lumaot ka na, la, humanap ka ng maayong dalaga, la, para maging asawa ko, la, at nang lumigawa ako, la!”

Paulit-ulit niyang sinabi ito hanggang, kagila-gilalas! Nagsimulang lumayag ang bangka nang nag-iisa, walang sakay na tao kahit isa. Walang tigil na naglakbay ang bangka hanggang narating ang isang malaking nayon ( pueblo, town). Tumigil ang bangka sa pampang ng isang ilog (rio, river) na madalas pasyalan ng mga anak na dalaga ng mga mayayamang tagaruon. Gawi ng mga dalaga na sumakay sa alin mang bangka na nakahimpil duon upang tumawid ng ilog, at bumalik din sa ganuong paraan pagkatapos.

Isang pangkat ng mga dalaga ang nagdaan at humanga sa ganda ng bangka ni Kamanla. Naisipan nilang mamangka sa ilog at magliwaliw. Ang pinaka-bata, at pinaka-magandang
dalaga, ang unang sumakay sa bangka. Nang maramdaman ng bangka na may sakay na, umandar ito agad at lumayo, bago nakasakay ang iba pang dalaga.

Nang natanaw ni Kamanla ang pabalik na bangka, nagtatalon siya sa tuwa. “Bangka kong maayo, la, parating na, la, dala ang magandang dalaga, la, para maging aking asawa, la!”

Pagdaong ng bangka, agad tinulungan ni Kamanla at pinahinanon ang takot na takot na dalaga. Hindi nagtagal, sila ay kinasal. Maligayang maligaya sila, lalo na si Kamanla hanggang dumating ang isang araw, wala silang pagkain. Dahil masipag, naisip ni Kamanla na gumawa ng taon upang makahuli siya ng isda. Pagkatapo niyang gawin ito, kinausap din niya nang kinausap: “Taon kong maayo, la, pumalaot ka na, la, pumasok ka sa ilog, la, at ihuli mo kami ng isda, la!”

Sa wakas, umaandar nang nag-iisa ang taon at nanghuli ng isda sa ilog. Punung-puno ng isda ang taon nang bumalik kay Kamanla, na tuwang-tuwa. Hanga kay Kamanla lahat ng nakarinig sa nangyari, lalo na ang kaibigan niyang si Parotpot na inggit na inggit.


“Maligayang maligaya ka, kaibigan!” sabi ni Parotpot kay Kamanla. “Naiinggit tuloy ako sa iyo!”

“Oo, Parotpot, maganda ang kapalaran ko!” sagot ni Kamanla. “Mayruon akong bangkang maayo na nauutusan ko kahit saan, at mayruon din akong taon na nanghuhuli ng isda araw-araw!”

Malungkot si Parotpot. Sa inggit niya, pinasiya niyang gayahin si Kamanla. Gumawa rin siya ng bangka at pagkatapos, kinausap din niya: “Bangka ko, pot, humayo ka, pot, humanap ka ng asawa ko, pot, na mas maganda, pot, kaysa asawa ng kaibigan ko, pot!”

Lumayag nang nag-iisa ang bangka at tumigil sa isang malaking ilog. Hindi nagtagal, dumating ang isang pangkat ng mga lalaki, bitbit ang bangkay (cadaver, corpse) ng kanilang lola na ililibing nila sa kabilang panig ng ilog. Nakita nila ang bangka na walang sakay, kaya isinampa nila duon ang bangkay. Nang naramdaman ng bangka na may sumakay, nagsimula itong umandar at naiwan ang mga lalaking nagdala ng bangkay.

Naghihintay si Parotpot at napasigaw nang nakitang papalapit ang bangka:
“Aking bangka, pot, ay pauwi na, pot, dala-dala ang magandang dalaga, pot, para maging asawa ko, pot!”

Sawimpalad! Bangkay ng lola, hindi magandang dalaga, ang dala ng bangka. Sa galit ni Parotpot, sinunggaban niya ang kanyang bolo at pinagtataga ang bangka. Hindi siya tumigil hanggang ang bangka ay pira-pirasong kahoy na lamang. Samantala, nahulog sa tubig at tinangay ng agos ang bangkay ng lola.

Sunod sinubok ni Parotpot na gumawa ng taon upang makahuli ng maraming isda, tulad ng gawa ni Kamanla. Pagkayari sa taon, inutusan ito ni Parotpot: “Taon ko, pot, pumunta ka na sa ilog, pot, humuli ka ng maraming isda, pot, para makain ko, pot!”

Umandar ang taon at tumatag sa ilog. Sa malas, araw ng Linggo nuon, at gaya ng gawi ng mga taga-nayon tuwing Linggo, nagkakatay sila ng mga vaca. Gawi nila na itapon sa ilog lahat ng pinagtabasan ng mga kinatay, at itong mga
patapon ang “nahuli” ng taon ni Parotpot. Nang napuno ang taon, umandar ito uli at nagtungo pabalik kay Parotpot.

Samantala, habang naghihintay, nagsaing ng maraming kanin si Parotpot, at hinugasan lahat ng kanyang mga pinggan (platos, dishes). Inanyayahan niya lahat ng kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay na dumalo at sumalo sa kanyang malaking piging (cena, feast) ng mga isda na iuuwi ng kanyang taon. Kaya maraming tao ang naghihintay nang sumigaw si Parotpot:

“Ang taon ko, pot, ay dumarating na, pot, dala-dala ang maraming isda, pot, para sa handa ko, pot!”

Pagsapit ng taon, nakita ng mga tao ang laman nito, mga patapon ng mga kinatay na vaca. Pinagtawanan nila si Parotpot bago nag-alisan, at naiwang nag-iisa si Parotpot. Nuong huli, hinatak niya ang taon at sinunog, ibinulong na lamang sa sarili, “Hindi ako liligaya tulad ng kaibigan kong Kamanla!”
SINA Alelu’k at Alebu’tud ay magkasamang nakatira sa kanilang sariling kubo sa bundok. Nag-iisa sila at walang mga kapitbahay. Isang araw, nagpa-alam si Alelu’k sa kanyang asawa, “Manghuhuli ako ng baboy damo.” Nangahoy nga si Alelu’k, kasama ang kanyang 3 aso at dala ang kanyang tidalan (lancia, spear, sibat sa Tagalog), subalit wala siyang natagpuang baboy damo. Sa halip, sa liblib ng gubat, namataan niya ang isang usa (ciervo, deer), malaki na ang sungay (cuernas, antlers) kaya natiyak niyang matanda na.

Sinugod ng mga aso at sinakmal ang usa upang hindi makatakas. Sunod ang tumatakbong Alelu’k at pinatay ng tindalan ang hayop. Tapos, pumutol siya ng yantok (rattan) sa tabi, itinali sa sungay ng usa at hinatak ang hayop pauwi. Sa bahay, sinalubong siya ni Alebu’tud. Tuwang-tuwa ang mag-asawa at marami silang pagkain.

Humakot sila ng mga panggatong (leña, firewood ) at iba pang kahoy. Nagparikit sila ng apoy, gamit ang mga panggatong, at nagbaon ng mga tukod (estacas, posts) sa paligid, gamit ang ibang kahoy. Sa tuktok ng mga tukod, nagtali sila ng banghay ( parilla, frame) na kahoy, naka-ibabaw sa apoy. Duon nila inilatag ang patay na usa upang masunog ang balahibo ( piel, fur). Pagkatapos, kinaskas nila hanggang nalinis ang balat ( pellejo, skin) ng hayop.

Sinimulan ni Alelu’k na katayin (matar, butcher) at pagpira-pirasuhin ang usa. Samantala, hinugasan ni Alebu’tud ang malaking palayok (puchero, pot) at nilagyan ng tubig upang ilaga (hervir, boil ) ang pira-pirasong laman (carne, meat) at buto (huesos, bones) ng usa. Naubusan ng tubig si Alebu’tud kaya nagtungo siya sa ilog, dala ang kanyang sekkadu (cubo, bucket, timba sa Tagalog, subalit mas lapat ang tabò, isang biyas (nudo, node) ng kawayan (caña, bamboo) na butas sa isang dulo).

Nakayapak sa ilog, umigib ng tubig si Alebu’tud. Nang puno na ang sekkadu, pinasan niya at nagsimulang umakyat sa pampang subalit biglang lumundag ang isang dambuhalang isda at sinakmal si Alebu’tud. Pumalag ang babae subalit hindi siya nakahiyaw dahil hinila siya ng isda sa ilalim ng tubig. Duon nalunod ang babae at kinain nang buo ng isda.

Sa bahay, naghintay si Alelu’k subalit hindi na niya nakita kailan man ang asawa. Araw-araw, hinanap niya at araw-araw, umiyak siya sa lungkot sa pagkawala ni Alebu’tud. May sapantaha na ibang lalaki ang dumukot at tumangay kay Alebu’tud, subalit walang katibayan ito kahit na ano.
Si Mariang Makiling ay isang dalaga, hindi tumatanda, nakatira sa magandang bundok Makiling sa pagitan ng provincias ng Laguna at Tayabas, subalit walang nakaka-alam kung saan talaga. O kung paano siya namamahay. Sabi ng iba, nakatira siya sa isang magandang palacio na napapaligiran ng mga jardin. Ang sabi naman ng iba, nakatira siya sa isang dukhang dampa na gawa sa karaniwang kawayan at mga dahon ng nipa.

Matangkad si Mariang Makiling at mahinhin. Ang kutis niya ay makinis, kayumangging kaligatan, sa bigkas ng mga Tagalog. Malaki at itim ang kanyang mga mata, mahaba at makapal ang buhok, at maliliit ang mga kamay at paa, at mala-candela ang mga daliri. Sa madling salita, siya ay maniwaring isang diwata, parang isinilang sa maputlang sinag ng buwan sa ibabaw ng Pilipinas, pasulpot-sulpot sa pagitan ng mga punong kahoy sa gubat ng Makiling. Ang diwa niya ang namamayani sa bundok subalit siya mismo ay bihirang makita ng mga tao.

Paminsan-minsan, natatanaw siya ng mga mangangahoy (cazadores, hunters) sa dilim ng Viernes Santo (Good Friday), kapag namumundok sila upang humuli ng usa (ciervos, deer). Nakatayo raw si Mariang Makiling sa gilid ng mataas na bangin, walang katinag-tinag habang umaalon ang kanyang
buhok sa ihip ng hangin. Kung minsan daw, nilalapitan daw sila, binabati nang tahimik bago lumalayo at naglalaho sa dilim ng gubat. Walang naglalakas-luob na kumausap, sumunod o magmanman man lamang sa kanya.

Karaniwang lumalabas si Mariang Makiling pagkaraan ng bagyo (borrasca, storm) at lumiligid sa mga bukid, binubuhay muli ang mga nasirang halaman at itinatayo uli ang mga natumbang punong kahoy, at ibinabalik ang dating ayos ng lahat. Pati ang mga ilog ay bumabalik sa kanilang takdang landas at agos. At lahat ng sira mula sa bagyo ay naglalaho sa bawat madaanan niya.

Mabuti ang kaluoban ni Mariang Makiling. Dati-rati, pinahihiram niya ang mga mahirap ng damit, at pati alahas, para sa mga kasal, binyagan at fiesta. Tanging kapalit na hinihingi niya ay isang puting-puting dumalaga, batang inahen na hindi pa nangingitlog. Paminsan-minsan, lumilitaw siya sa anyo ng isang karaniwang taga-bukid at tinutulungan ang mga matatandang babae sa pagpulot ng mga panggatong (leñas, firewood ). Pagkabigkis at pasan na ng matandang babae ang mga kahoy, isinisingit nang lihim ni Mariang Makiling sa bigkis ang pira-pirasong ginto, barya (monedas, coins), pati mga alahas ( joyas, jewels).
Minsan, ayon sa cuento, isang mangangahoy ang nakakita ng baboy damo. Kumaripas ang hayop sa mga sukal at tinik ng gubat habang walang tigil na humabol ang lalaki, na nagka-galos-galos sa mga tinik. Biglang-bigla, narating nila ang isang maliit na kubo. Takbo at nagtago ang baboy damo sa luob. Natigilan ang lalaki, lalo na nang lumabas ang isang magandang dalaga.

“Sa akin iyong baboy damo,” sabi ni Mariang Makiling sa lalaki, “at hindi mo dapat hinabol. Subalit nakikita kong ikaw ay pagod na pagod, at sugatan. Pulos dugo ang iyong mga bisig at binti. Halika sa luob, magpahinga ka at kumain. Gagaling ka, tapos maaari ka nang umuwi.”

Napukaw ang lalaki sa alindog ni Mariang Makiling. Pumasok siya sa kubo at, walang imik, kinain lahat ng lugaw na hinain. Masarap at kaiba sa lahat ng natikman niya. Naramdaman niyang napawi ang kanyang hapo, gumaling ang kanyang mga sugat at bumalik ang kanyang lakas. Binigyan siya ni Mariang Makiling ng ilang piraso ng luya (jingibre, ginger).

“Ibigay mo ito sa iyong asawa,” sinabi niya sa lalaki na, utal pa rin, ay yumuko lamang bago umalis. Isinuksok ng lalaki ang mga luya sa luob ng kanyang salakot (sombrero de hoya, palm leaf hat). Habang pauwi, pabigat nang pabigat ang mga luya kaya dinukot niya ang ilang piraso at itinapon. Kinabukasan, nagulat silang mag-asawa nang nakitang kumikinang ang ‘luya’ na naging lantay na ginto (oro puro, pure gold) ang mga ito. Laking hinayang nila sa mga ‘luya’ na naitinapon pauwi.
Hindi laging mabait si Mariang Makiling sa mga mangangahoy. Minsan, pinaparusahan niya ang mga ito.

Isang hapon, 2 mangangahoy ang pauwi mula sa bundok, kasama ang kanilang mga aso at pasan-pasan ang nahuling usa at baboy damo. Nasalubong nila ang isang matandang babae na humingi ng limos. Hindi na binigyan, itinaboy pa nila ang matanda na nagbanta,

“Isusumbong ko kayo sa may-ari niyang mga hayop!”

Humalakhak ang 2 lalaki bago nagpatuloy pauwi. Nakababa na ang araw pagdating nila sa paanan ng bundok at, sa dilim, narinig nila ang sigaw mula sa malayo: “Nanduon sila!”

Sinundan ito ng mas malayong sagot, “Duon sila! Duon!”
Hindi naunawaan ng 2 mangangahoy subalit tumaas ang tenga ng kanilang mga aso, umungol at tumabi sa kanila. Pagkaraan ng ilang saglit, narinig uli nila ang mga sigaw, mas malapit, mula sa gilid ng bundok. Umingit-ngit sa takot ang mga aso, ibinaba ang mga buntot sa pagitan ng mga paa, at kumaripas ng takbo. Tumakbo na rin ang 2 mangangahoy, lalo na nang umalingawngaw uli ang mga sigaw, malapit na malapit na! Sindak sila sa bilis ng mga humahabol!

Umabot ang 2 mangangahoy sa sapang Bakal at, sa takot, binitawan ang dalang usa at baboy damo at umakyat sa isang punong kahoy habang patuloy na tumakas ang mga aso. Sa isang kisap-mata, dumating ang mga humahabol - mga dambuhalang halimaw pala! Sinakmal ng mga ito at kinain ang usa at baboy damo. Ilang minuto lamang, naubos at tumakbo uli ang mga halimaw pabalik sa bundok. Isa sa mga mangangahoy, mas matapang, ay bumaril sa mga halimaw subalit mintis!
Wala kahit isang nakatuklas sa mga magulang ni Mariang Makiling, o kung mayruon siyang mga kapatid o ibang kamag-anak. Ang mga nilalang na tulad niya ay maniwaring lumilitaw na lamang, tulad ng mga bato na tinatawag ng mga Tagalog na “mutya.”

Wala ring naka-alam ng tunay niyang pangalan, basta tinawag na lamang siya ng mga tao na “Maria” dahil karaniwang pangalan ito ng mga Pilipina, at “ng Makiling” dahil duon sa bundok na iyon siya laging nagpapakita. Hindi raw siya pumasok sa kabayanan ( pueblo, town) kahit minsan, o sumali sa anumang pagdiriwang sa simbahan.

Hindi siya nagbago ng anyo. Ang 5 o 6 na anak-anakan ( generations) na
nakakita sa kanya, laging sabi ay bata, maliksi at dalisay si Mariang Makiling. Subalit ngayon, marami nang taon na hindi siya nakikita, kahit anino ay hindi na aninaw sa Makiling, kahit na sa liwanag ng buwan. Ngayon, ang mga kasal at iba pang pagdiriwang ay hindi na nakikitaan ng mga alahas ni Maria, wala nang tumatanggap ng handog na yaman.

Naglaho na si Mariang Makiling. Sabi ng iba, kasalanan daw ng mga tao sa kabayanan na ayaw magbayad ng puting dumalaga. Ni hindi raw ibinalik ang mga hiniram na alahas at mga damit.

Subalit sumbong ng iba, nagalit daw si Mariang Makiling dahil tinatangkang agawin ng mga hacenderos ang lupain sa bundukin.
MARAMING taon na ang nakaraan mula nuong namahay sa mga pampang ng Laguna de Bai ang isang mahirap na mangingisda ( pescador, fisherman). Nabalo nang namatay ang asawang babae, siya na lamang ang tanging nagpalaki sa 2 nilang anak na babae, sina Mangita at Larina. Kapwa napaka-ganda ng 2 anak.

Si Mangita ay kayumangging kaligatan at ang buhok niya ay kulay ng hatinggabi (medianoche, midnight). Mapag-bigay siya at mahal ng lahat ng kakilala dahil mabait. Tinutulungan niya ang kanyang ama sa pagtahi sa mga lambat ( fishnets) at sa pagbigkis ng mga sulu (torches) - kapwa gamit sa pangingisda gabi-gabi. At araw-araw naman, ang matamis niyang ngiti (sonrisa, smile) ang siyang nagpapaliwanag sa munti nilang kubo (cabaña, hut).
Maputi naman si Larina at haling na haling siya sa manilaw-nilaw (dorado, golden) niyang buhok na pinatubo niyang mahabang mahaba. Kaiba siya sa kapatid, hindi tumutulong sa bahay at maghapon na lamang nagsusuklay. At malupit. Nanghuhuli siya ng mga paruparo (butterflies) na tinutusok niya hanggang mamatay at isinasabit na palamuti (decoration) sa buhok. Tapos, nagpupunta siya sa lawa upang masdan ang sarili sa tubig. Paminsan-minsan, nakikita niyang nangingisay pa ang paruparo at tuwang-tuwa siya sa galaw nito sa kanyang buhok.

Dahil dito, ayaw siya ng mga tao na lalong humanga at nagmahal sa kapatid niyang Mangita. Lalo namang nagselos at nainggit si Larisa kay Mangita.

Isang araw, isang pulubing matandang babae ang lumapit sa kanilang kubo at humingi ng kaunting kanin (arroz, rice) para sa kanyang maliit na mangkok (cuenco, bowl). Nagsusuklay ng buhok nuon si Larina sa pintuan, at nasuya sa pag-abala ng pulubi. Sinigawan niya at itinulak palayo. Natumba ang matandang babae at nabagok ang ulo sa bato.

Narinig ni Mangita ang ingay at humangos mula sa pagsu-sulsi niya ng isang lambat. Nakita niya ang sugatang pulubi at maagap na tinulungan. Ginamot niya ang sugat at pinatigil ang pagdugo. Pagkatapos, sumandok siya ng kanin mula sa palayok (olla, pot) at pinuno ang mangkok ng pulubi. Nagpasalamat ang matandang babae.

“Hindi ko kalilimutan ang iyong bait at awa,” sabi niya kay Mangita bago ugod-ugod na lumakad paalis. Hindi niya kinibo si Larina na tumawa lamang, at nagsalita pa ng paghamak. Pinagalitan siya ni Mangita dahil sa kanyang
kawalan ng maka-tao subalit sa halip na magsisi, lalo lamang namuhi si Larina.

Pagkaraan ng panahon, namatay ang ama. Lumuwas siya sa lungsod (ciudad, city) sa kanyang bangka, tulad sa madalas na niyang gawa, upang ipagbili ang kanyang huling isda subalit nuon, laganap ang sakit duon. Siya ay nahawa, nagkasakit at natuluyan. Naiwang lubos na ulila na ang magkapatid.

Upang magkaruon ng hanap-buhay, umukit si Mangita ng magagandang kabibi (conchas, seashells) at ipinagbili. Kumita siya ng sapat lamang pambili ng pagkain. Nakiusap siya kay Larina na tumulong upang lumaki ang kanilang kita subalit hindi siya pinansin ng kapatid na nagpatuloy na nag-aliw na lamang sa sarili.

Patuloy ang laganap ng sakit at si Mangita ay naratay. Nagma-kaawa siya kay Larina na alagaan siya subalit malaki talaga ang muhi ng kanyang kapatid kaya pinabayaan siyang lumala. Nagsimulang maghingalo si Mangita at malapit nang mamatay nang bumalik ang pulubing matandang babae. May dalang supot (bolsa, bag) ng mga buto (semillas, seeds) ng halaman ang pulubi. Dumukot siya ng isa at isinubo kay Mangita. Ilang saglit lamang, nagsimulang gumaling si Mangita bagaman at lubha pang nanghihina kaya hindi nakayanang magpasalamat.

“Subuan mo siya ng isang buto oras-oras hanggang pagbalik ko,” habilin ng pulubi kay Larina bago umalis. Naiwan ang mga buto kay Larina subalit hindi niya binigyan si Mangita. Katunayan, sa laki ng inggit at muhi sa kapatid, hinangad niyang mamatay na si Mangita. Kaya, sa halip na alagaan ang kapatid, itinago ni Larisa ang mga buto sa sariling mahabang buhok.

Muling lumala ang sakit ni Mangita at humina nang humina ang paghinga. Agaw-buhay na siya nang bumalik ang pulubing matandang babae. Tinanong niya si Larisa kung sinubuan ng buto ang maysakit tulad ng bilin. “Oo!” sagot ni Larisa, at ipinakita pa ang supot, wala nang laman. Hinalughog ng pulubi ang kubo at bakuran subalit wala siyang nakitang itinapon o itinagong buto. Muli niyang tinanong si Larisa at muling sumagot ito ng “oo.”

Nuong sandaling iyon biglang sumabog ang liwanag sa luob ng kubo at nasilaw si Larisa tulad ng pagtitig sa araw. Pagbalik ng kanyang paningin, matapos ng ilang saglit, hindi na pulubi ang nasa harap niya, kundi magandang diwata! Kalong-kalong nito ang may sakit na Mangita.

“Ako ang pulubing humingi ng limos sa inyo,” bigkas ng diwata, “sapagkat nais kong matanto ang inyong kaluoban. Mabait si Mangita kaya isasama ko siya sa aking tahanan sa pulo nitong lawa. Subalit ikaw ay masama!”

Itinutok ng diwata ang daliri sa mukha ni Larisa, sabay sa paratang at pataw
ng parusa.

“Mula ngayon, luluhod ka habang panahon sa ilalim ng lawa at magsusuklay upang masuyod nang walang katapusan ang mga buto mula sa iyong buhok!”

Pumalakpak minsan ang diwata at pumasok ang ilang bulilit (enanos, dwarves) at hinatak paalis ang humihiyaw na Larisa.

“Halika,” bulong ng diwata kay Mangita, “umuwi na tayo!”

At mula nuon, duon sa magandang tahanan ng diwata namalagi si Mangita at nabuhay silang masaya at mapayapa. Si Larisa naman ay nasadlak sa ilalim ng lawa, walang tigil ang suyod sa buhok. Isa-isa, naalis ang buto at sumibol na luntiang halaman (green plant) na lumutang sa tubig. At tuwing malakas ang ulan at hangin, inaanod itong halaman pa-agos sa ilog Pasig na, pagkita ng mga tao, ay nagpapa-gunita sa kanila na pinaparusahan si Larisa dahil sa kanyang kasamaan.
MINSAN, isang mangangahoy (cazador, hunter), kasama ang kanyang aso (perro, dog) at bitbit ang kanyang sumpit (blowgun), ang pumasok sa gubat (bosque, forest) upang humuli ng hayop (animal ) at humanap ng anumang makakain. Una niyang nakita ay isang maliit na punong kahoy (arbor, tree) na tumutubo sa sukal (maleza, underbrush). Nuon lamang siya nakakita ng ganuong uri ng puno. Tumigil siya at masusing pinagmasdan ang
maliit at kakaibang halaman. Pagtagal, nagpatuloy siya palalim sa gubat at malayo na ang nalakad niya nang narining niya ang isang maingay na ibon ( pajaro, bird ) sa mataas na punong kahoy. Inasinta niya ng kanyang sumpit at pinatay. Itinali niya at isinabit sa balikat (hombro, shoulder), saka nagpatuloy sa paghahanap. Sunod niya namataan ang isang matsing (mono, monkey). Mula sa mataas na sanga (rama, branch) ng isang puno, hiniyawan siya nang hiniyawan ng matsing. Inasinta ng sumpit at bumagsak ang patay na hayop sa paanan ng mangangahoy.

Nakatali at pasan-pasan din ang matsing sa balikat, matagal ding naglakad uli ang mangangahoy bago niya narining ang kahol (ladrido, bark) ng kanyang aso. Humangos siya at dinatnan ang aso, kagat-kagat ang isang baboy damo (verraco, wild boar). Tinulungan niya ang aso at pagkaraan ng marahas na paghahamok, napatay nila ang baboy damo.

Napagod sa labanan, at malayo na rin naman ang nalakad niya, minabuti ng mangangahoy na magpahinga muna bago umuwi. Sapat na itong nahuli ko, bulong niya sa sarili. Ininom niya ang dala niyang tubig, sumandal sa isang puno at pumikit hanggang tumigil ang hingal (aliento, breath) at ang tulo ng pawis (sudor, sweat). Hindi nagtagal pagkatapos, itinali rin niya ang baboy damo at pinasan sa balikat, kasama ng ibon at matsing.
Pauwi, sinadya niyang tuntunin pabalik ang mismong landas (camino, path) na nilakad niya papasok sa gubat sapagkat ipinasiya niyang kunin ang kakaibang puno na nakita niya nuong umaga.

“Punong paslit,” binati niya ang puno nang nakita ito uli, “ibig kitang iuwi at alagaan, at malamang may pakinabang kang ibibigay sa akin.”

Maingat niyang hinukay ang halaman at dinala nang hawak-hawak sa kamay. Subalit hindi pa siya nakakalayo, nagsimulang malanta (marchitarse, wilt), ang mga dahon (hoyas, leaves) ng puno. Ubos na ang kanyang tubig at hindi niya maisip kung ano ang gagawin. Gipit-na-gipit, hiniwa niya ang leeg ng ibon at pinatulo ang dugo (sangre, blood) sa munting puno. Unti-unting tumaas uli ang mga dahon at maniwaring nagbalik ang buhay ng puno.

Nagpatuloy pauwi ang mangangahoy subalit hindi pa siya nakakalayo, muling nalanta uli ang mga dahon. Kaunti lamang kasi ang dugo ng ibon, naisip ng mangangahoy, kaya ang dugo ng matsing ang idinilig niya sa munting puno. Nabuhayin ito muli, at kumaripas ng takbo ang mangangahoy upang makarating ng bahay bago muli itong malanta. Subalit mas kalayuan pa siya sa bahay nang nagsimula uli ang pagkalanta kaya ang dugo na ng baboy damo ang pinatulo ng mangangahoy.

Pagdating sa bahay, agad niyang itinanim ang munting puno sa lupa, at ito ay nabuhayan at nagsimulang tumubo. Hindi nagtagal, ang munti ay naging malaki at matayog na puno, walang mga sanga at lahat ng dahon ay nasa tuktok, kung saan sumulpot ang mga “buko” o usbong ng halaman, kaya tinawag ng mangangahoy ito na “puno ng buko.”

Nang nahinog, bumagsak sa lupa ang mga buko at natanto ng mangangahoy na ang mga ito ang bunga ng puno. Tinalupan niya ang isa at natuklas ang “niyog” o buto na pinagmumulan ng mga bagong puno. Ito ang pang-2 pangalang ibininyag niya - “puno ng niyog.”

Natuklas din niyang masaganang pagkain ito kaya itinanim niya ang mga buko sa bawat pirasong lupa sa paligid upang hindi na siya maubusan ng pagkain. Tumubo ang mga ito at naging matiwasay ang buhay ng mangangahoy, at natuto siya ng iba’t ibang gamit sa buko at niyog. Isa rito ang alak (vino, wine) na hango sa katas (jugo, juice) na maaaring inumin bago mapanis
( ferment). Siya ang kauna-unahang uminom nitong alak na tinawag niyang tuba, mula sa “tabo,” kaputol na kawayan (bamboo) na karaniwang lalagyan ng tubig inumin at, mula nuon, ng bagong alak.

Itong tuba ang madalas ihanda ng mangangahoy sa mga kaibigan na natutong dumalaw nang madalas sa kanyang bahay. Isang araw, nang marami na silang nainom na tuba, isinalaysay ng mangangahoy kung paano niya natagpuan at inuwi ang puno ng niyog, at kung paano niya sinagip ito sa pagdilig ng dugo ng 3 hayop.

“Ngayon,” saysay ng mangangahoy, “taglay nitong tuba ang mga katangian ng mga hayop na pinang-dilig ko. Kapag uminom ka ng 3 o 4 tabo nito, nagiging katulad ka ng maingay na ibon na una kong napatay. Kapag uminom ka ng higit pa sa 3 o 4 tabo, nag-aasal matsing ka na hiyaw nang hiyaw. At kapag nalasing ka na, mistulang baboy damo ka na walang asal at humihiga kahit sa pusali.”
SA ISANG munting kubo sa labas ng nayon nakatira ang isang balong babae (viuda, widow) at ang kanyang kaisa-isang anak, isang binata. Masaya sila kapwa sa kanilang buhay. Mabait sa ina ang binata, at naghahanap-buhay sa pagka-kaingin ng palay sa gilid ng bundok. Nanghuhuli din sila duon ng mga baboy damo.

Isang gabi, nang kaunti na lamang ang kanilang imbak ng tapa ng baboy damo, nagpa-alam ang anak: “Inay, mangangahoy ako ng baboy damo bukas ng umaga. Maaari po bang ipag-saing ninyo ako bago sumikat ang araw bukas?”

Gumising nga ng maaga ang ina at nagsaing ng kanin. Bago-bago lamang sumisikat ang araw nang lumabas ang anak upang mamundok, dala ang kanyang sibat at kasama ang kanyang aso. Malayo na ang nayon nang marating at pasukin niya ang gubat. Matagal siyang naglakad sa dilim at sukal, naghahanap ng baboy damo subalit wala siyang namataan kahit anong hayop.

Napilitan siyang tumigil at magpahinga nuong tanghaling tapat nang mataas na ang araw. Umupo siya sa isang malaking tipak ng bato, binuksan ang dalang sisidlan at nagsimulang magbalot ng nga-nga.

[ Ang sisidlan na karaniwang dala-dala ng mga Pilipino ay gawa sa tanso (latón, brass) o iba pang kasangkapan at may 3 lalagyan, tig-isa para sa bunga (betel nut ), dahon (betel leaf ) at apog (lime). Binabalot sa dahon ang mga ito para ma-nguya nang ma-nguya... -- Mabel Cook Cole ]

Malalim siyang nag-iisip kung bakit bigung-bigo ang kanyang lakad nang biglang kumahol ang kanyang aso. Sumikad patayo ang binata sabay sa subo ng nga-nga at kumaripas sa aso. Nakita niyang sukol ng aso ang isang malaki at matabang baboy damo, itim ang buong katawan at puti ang 4 paa.

Inasinta niyang maigi subalit bago niya maihagis ang sibat, mabilis na tumakas
ang baboy damo. Hindi inaasahan, sa halip na sumugod pababa patungo sa ilog na karaniwang gawi ng mga hayop, tumakbo ito paakyat sa bundok. Humabol ang binata, sunod sa kanyang aso, kapwa nahirapan sapagkat matarik at masukal ang bundok.

Limang ulit pang tumigil ang baboy damo at inasinta ng sibat ng lalaki, subalit 5 ulit biglang umiwas ang hayop at muling tumakbo. Sa ika-7 ulit, tumigil ang baboy damo sa ibabaw ng malapad na bato at naasinta at nasibat agad ng binata. Pumutol siya ng yantok (caña, rattan) mula sa tabi-tabi at itinali ang 4 paa ng hayop. Tapos, pinasan na niya ang baboy damo at uuwi na sana nang nagulat siya. Biglang bumukas ang malapad na bato at lumabas ang isang lalaki!

“Bakit mo pinatay ang baboy ng aking panginuon?” tanong ng lalaki.

“Hindi ko po alam na may nag-aari pala dito sa baboy,” bulalas ng gulintang na binata. “Nangangahoy lamang ako, na madalas ko nang ginagawa, nang masukol ng aso ko ang baboy, at nagtulong kaming hulihin ito!”

“Sumunod ka sa akin at kausapin mo ang panginuon ko,” utos ng lalaki.
Kasunod sa lalaki, pumasok sa malapad na bato ang binata at nahantong sila sa isang malaking silid (cuarto, room). Ang kisami (techo, ceiling) at sahig (suelo, floor) ay natatakpan ng kakaibang tela (cloth) na may malalapad na guhit (rayas, stripes), 7 kulay pula (rojo, red) at 7 dilaw (amarillo, yellow), salit-salit (alternating).

Nang lumitaw ang panginuon, ang damit (ropa, clothes) niya at putong (tocado, headdress) sa ulo ay may tig-7 ring kulay na malalapad na guhit. Inutusan niya ang lalaki na kumuha ng nga-nga at silang dalawa ng binata ay ngumuya. Sunod, nagpakuha ang panginuon ng tuba (vino de cocotero, palm wine) at dumating ang isang napaka-laking banga (tinaja, jar) na sa silong lamang nagkasiya. Gayon man, napaka-taas ng bunganga ng banga kaya binigyan pa ng tuntungan upang maabot ng binata. Gamit ang kawayang sipsipan (pajita de caña, bamboo straw), uminom ang panginuon at binata ng tig-7 tabo (vasos, cups) ng tuba. Pagkatapos, silang dalawa ay kumain ng kanin at isda. Saka sila nag-usap.

Hindi niya sinisisi (culpa, blame) ang binata sa pagpatay sa baboy damo, sabi ng panginuon, bagkus nais niyang maging magkaibigan sila, mistulang “magkapatid.” Pumayag ang binata at 7 araw siyang nanatili duon bago nagpa-alam sa panginuon na dapat na siyang umuwi sapagkat mag-aalaala ang kanyang ina.

Maagang-maaga kinabukasan, umalis sa mahiwagang “bahay” ang binata at masiglang lumakad pauwi. Pagtagal, uminit ang araw at bumagal ang kanyang tahak hanggang nuong tanghaling tapat (mediodia, high noon), napaupo
siya sa isang bato upang magpahinga. Inaantok, bigla siyang nagising nang pagtingala niya, nakita niyang nakapaligid sa kanya ang 7 mandirigma (guerreros, warriors), hawak ang mga sandata (armas, weapons) - sibat (lancia, spear), kampilan (espada, sword ) at kalasag (escudo, shield ). Magka-kaiba ang kulay ng damit ng bawat isa, at ang kulay ng damit ay siyang kulay ng kanilang mga mata.

“Saan ka papunta?” tanong ng pinunong mandirigma, pula ang suot, at pula rin ang kulay ng mga mata.

“Pauwi ako sa aking ina,” sagot ng binata. Sinabi niyang matagal na siyang nawala at malamang hinahanap na siya ng magulang. “Ako naman ang magtatanong ngayon: Saan kayo papunta at mukhang handa kayong makipag-digmaan?”

“Mandirigma kami!” sagot ng mandirigmang pula, “at lumilibot kami upang patayin sinumang masalubong namin. Ngayon, ikaw ang papatayin namin!”

Nabigla ang binata sa kataka-takang tangka. Makiki-usap pa siya sana at mangangatwiran (disputar, argue) subalit may narinig siyang bulong sa tabi: “Lumaban ka at talagang papatayin ka nila!”

Lumingon siya sa pinagmulan ng bulong at nakita ang sarili niyang sibat, kampilan at kalasag. Naalaala niyang iniwan niya sa bahay ang kampilan at kalasag, kaya natanto niyang isang diwata (espiritu, god ) ang bumulong sa kanya. Sinunggaban niya ang mga sandata at sinagupa ang 7 mandirigma!

Tatlong araw at 3 gabi silang nagbakbakan! Nuon lamang nakaharap ang 7 mandirigma ng kalaban na kasing-bangis ng binata, hindi nila natalo kahit tulung-tulong sila. Nuong ika-4 araw, tinamaan ang mandirigmang pula at namatay. Sunud-sunod, napatay ng binata isa-isa ang iba pang mandirigma. Pagkaraan ng matagal at madugong hamok, mistulang ulol (loco, crazy) ang binata at hindi na napahinahon ang sarili. Hindi na siya nagtangkang umuwi. Sa halip, lumibot din siya upang patayin sinumang matagpuan niya, tulad ng 7 mandirigma na tinalo at pinatay niya. Sa kanyang mapusok na paglakbay, dumating siya isang araw sa bahay ng isang dambuhala ( gigante, giant).

“Sino man ang nakatira sa bahay na ito!” sigaw ng binata. “Lumabas kayo at makipag-patayan sa akin!”

Hindi alam ng binata, ang bahay ay punung-puno na ng mga bangkay ng mga mandirigma na tinalo at pinatay ng dambuhala. Nang narinig ng halimaw ang sigaw ng binata, nagsiklab ang kanyang puot. Sinunggaban niya ang kanyang kalasag at sibat na kasing laki ng isang punong kahoy. Ayaw niyang mag-aksaya ng panahon gamitin ang inuka-ukang punong kahoy na hagdan (escalera, ladder) upang bumaba, kaya tumalon na siya tuluy-tuloy sa lupa.

“Nasaan ang pangahas na makikipag-patayan?” Luminga-linga ang dambuhala hanggang namataan ang binata. “Ikaw lamang ba? Isang langaw ka lamang!”

Sa halip na sumagot, sinugod siya ng binata at 3 araw at 3 gabi silang
naghamok nang walang tigil hanggang bumagsak ang dambuhala, wakwak ang baywang (cintura, waist). Sinunog ng binata ang bahay ng dambuhala at lumibot uli upang humanap ng iba pang papatayin, subalit narinig niya uli ang bulong ng diwata: “Umuwi ka na at ang iyong ina ay balisang balisa sa iyong pagkawala.”

Nagsiklab ang luob ng binata at sumugod subalit wala siyang nakitang kalaban. Pina-antok siya ng diwata at nakatulog ang binata. Pag gising niya, wala na ang pagka-ulol niya at mahinahon na siya. Binulungan siya uli ng diwata:

“Ang 7 mandirigma na pinatay mo ay inutusang patayin ka ng panginuon ng malapad na bato sapagkat tinignan niya ang palad mo at nakita niyang mapapangasawa mo ang ulilang babae na gusto niyang mapangasawa. Subalit nagwagi ka, at patay na ang iyong mga kaaway. Umuwi ka na at maghanda ka ng maraming tuba dahil bubuhayin ko uli ang mga kaaway mo at kayong lahat ay mabubuhay nang mapayapa.”

Tuwang tuwa ang ina nang dumating ang anak na binata, na akala niya ay matagal nang patay. Lahat ng tao sa nayon ay dumating upang batiin ang binata at itanong kung ano ang nangyari. Pagkatapos ilahad ng binata ang kanyang karanasan at bilin ng diwata, humangos ang mga tao at nagdala ng maraming tuba sa bahay ng ina. Nuong gabing iyon, dumalo at nagdiwang ang lahat. Pati ang diwata ay dumalo, kasama ang panginuon ng malapad na bato, ang 7 mandirigma at ang dambuhala. Ang ulilang babae ay napangasawa ng binata, at ibang maganda ring babae ang napangasawa ng panginuon ng malapad na bato.
NUONG napaka-tagal nang panahon, ang mga Tinguian ay hindi marunong magtanim o mag-ani tulad ng gawa nila ngayon. Ang pagkain lamang nila nuon ay anumang tanim na tumubo ng ligaw sa gubat, at mga isda sa ilog. Hindi rin nila alam kung paano gamutin ang mga maysakit o sinaktan ng mga masamang espiritu, kaya marami ang namatay nang hindi naman dapat sana.

Natanaw ito ni Kadaklan, ang dakilang diwa (espiritu, god ), mula sa kanyang tahanan sa langit. Nakita niyang naghihirap ang mga tao, nagugutom at nagkaka-sakit, kaya pinababa niya mula sa langit ang isa niyang katulong, si Kaboniyan, upang turuan ang mga tao sa lupa ng maraming bagay na dapat nilang malaman.


Samantala, sa lupa, may isang babae sa Kaalang na 7 taon nang may sakit, si Dayapan. Isang araw, nagpunta siya sa ilog upang maligo. Natagpuan siya duon ni Kaboniyan, may bitbit na palay (rice) at tubong matamis (sugar cane). Upang hindi masindak si Dayapan, hindi siya nagpakita at sa halip, pumasok siya sa isipan ng babae.

“Dayapan,” bulong ni Kaboniyan sa isip ni Dayapan, “kunin mo ang mga ito at itanim mo sa iyong bakuran. Pagtagal, tutubo ang mga ito at maaari mong anihin. Kapag hinog na ang mga ito, magtayo ka ng kamalig na imbakan ng palay, at ng isang pigaan ng katas ng tubong matamis. Pagkatapos, magdiwang ka ng panawagang Sayung at gagaling ang iyong sakit.”

Namangha si Dayapan sa lahat ng ito na biglang pumasok sa kanyang isip, subalit pinulot niya ang palay at tubong matamis at inuwi sa bahay tulad ng “narinig” niya. Sa kanyang bakuran, sinubukan niyang magtanim. Pumasok uli sa kanya si Kaboniyan at itinuro kung paano ang dapat pagtanim sa mga ito. Mula nuon, ang mga itinurong paraan ang ginamit ng mga Tinguian pagtanim sa kanilang palay at tubong matamis. At dahil sinunod nila ang mga bilin ni Dayapan, ayon sa mga turo ni Kaboniyan, lagi na silang maraming pagkain.

Pagkatapos anihin (cosechar, harvest) ni Dayapan ang kauna-unahang palay at tubong matamis, nanawagan siya sa isang Sayung. Nagbalik uli sa kanyang isipan si Kaboniyan at itinuro ang mga dapat niyang gawin. Sinunod lahat ni Dayapan at gumaling nga ang kanyang sakit. Sinunod din niya ang huling habilin ni Kaboniyan: Upang ipakita na talagang magaling na siya, magsama siya ng isang aso ( perro, dog) at isang tandang na manok ( gallo, cock) at maligo sa ilog.


Sa pampang, itinali niyang magkatabi ang aso at ang tandang. Habang naliligo siya, pinatay at kinain ng aso ang tandang. Umiyak si Dayapan nang nakita ang nangyari. Matagal siyang lumuha habang hinihintay si Kaboniyan. Sa wakas, bumalik ang diwata at ibinulong sa kanyang isip:

“Kung hindi kinain ng aso ang tandang, lahat sana ng maysakit ay mabubuhay tuwing magpanawagan ng Sayung. Subalit ang nangyari ay pahiwatig na ang iba ay gagaling, samantalang ang iba ay mamamatay.”

Tinipon ni Dayapan lahat ng tao at isiniwalat lahat ng kanyang “narinig.” Naniwala ang mga tao dahil nakita nilang magaling na ang matagal na sakit ni Dayapan. Mula nuon, sinunod niya ang mga sinabi ni Dayapan tungkol sa pagtanim at pag-ani ng palay at tubong matamis. At tuwing may nagkasakit sa kanila, tinawag nila si Dayapan upang mag-Suyong. At gaya ng “pahiwatig,” ang ibang maysakit ay gumaling at ang iba naman ay namatay.
MARAMING MARAMING taon sa nakaraan, nuong si Maguayan pa ang panginuon sa dagat, at ang mapusok na Kaptan ang naghahagis ng kidlat mula sa kanyang kaharian sa langit, pulos mga halimaw ang lumalangoy sa tubig at lumilipad sa himpapawid. Malalaki ang ipin at matatalas ang kuko ng mga halimaw

sa himpapawid. Subalit kahit ano ang bangis nila, sama-sama silang nabubuhay nang tahimik dahil takot sila sa galit at lupit ni Kaptan. Kaiba ang lagay sa dagat sapagkat dambuhala (higantes, giants) ang mga halimaw na lumalangoy at malakas ang luob nila sa kanilang laki at lakas. Pati si Maguayan ay sindak sa kanilang laki at dahas kaya hindi siya sinunod, ni hindi iginalang ng mga halimaw. Balisa araw-araw si Maguayan na baka siya ang balingan ng mga ito.

Sa wakas, nawalan siya ng pag-asa at humingi ng tulong kay Kaptan. Inutusan ng diwata ng langit ang mga pinaka-matulin niyang mga tagahayag (escuderos, messengers) na tawagin lahat ng mga halimaw upang magpulong sa isang munting pulo ng Kaweli, sa gitna ng dagat ng Sulu, sa lalong madaling panahon. Agad namang nagdatingan ang mga halimaw hanggang nagdilim ang langit sa dami ng mga lumilipad, at kumulo ang dagat sa
dami ng mga lumalangoy.

May mga dambuhalang buaya mula Mindanao, mababangis na tikbalang mula Luzon, mga ligaw na sigbin mula Negros at Bohol, daan-daan ng mga ungloks mula Panay at Leyte, malalaking uwak-uwak at iba pang nakakatakot na halimaw - lahat ay nagsiksikan sa munting pulo na halos natakpan sa dami nila. Nakaka-bingi, tilian at hiyawan silang lahat habang hinihintay ang atas nina Kaptan at Maguayan mula sa kanilang gintong luklukan (trono, throne).

Pagtagal-tagal, itinaas ni Kaptan ang isa niyang bisig (brazo, arm) at biglang tumahimik lahat ng halimaw. Nuon hinayag ni Kaptan ang kanyang utos. Si Maguayan ay kapwa niya diwata, sabi ni Kaptan, at dapat siyang igalang ng mga halimaw tulad ng paggalang na inilalaan sa kanya. Inutos niya sa lahat na sumunod at igalang si Maguayan.


“Hahagisan ko ng kidlat at papatayin,” babala ni Kaptan, “ang sinumang sumuway sa utos kong ito.”

Pina-uwi na niya ang mga halimaw at muling puma-ilanglang ang mga tili at hiyawan nang sabay-sabay at mabilis nag-alisan ang mga mababangis na nilalang. Dagli lamang, walang naiwan sa Kaweli maliban kina Kaptan at Maguayan, at ang 3 pinaka-matulin sa mga tagahayag - si Dalagan, ang pinaka-mabilis, si Gidala, ang pinaka-matapang, at si Sinogo, ang pinaka-makisig at pinaka-mahal ni Kaptan.

Silang 3 ay mga dambuhalang mala-diwata na may malalaking pakpak (alas, wings) kaya mabilis lumipad. May sandata silang mahahaba at matatalim na mga sibat (lancias, spears) at kampilan (espadas, swords) na walang kiming ginagamit nilang pamatay, sa utos ni Kaptan.

Nagpasalamat si Maguayan kay Kaptan. “Walang anuman,” tugon sa kanya, “tinupad ko lamang ang aking tungkulin sa isang kapatid.” Tapos, ibinigay ni Kaptan kay Maguayan ang isang gintong kabibi (almeja dorado, gold shell ). “May mahiwagang kapangyarihan ito, bulong niya kay Maguayan. Isubo mo lamang at ang anyo mo ay magbabago sa anumang naisin mo.” Kaya raw kung may mangahas na halimaw, kailangan lamang maging halimaw din siya, subalit mas malaki at mas mabangis, upang talunin at patayin ang pangahas!

Nagpasalamat uli si Maguayan at inilagay sa tabi niya ang gintong kabibi. Tapos, pinakuha ni Kaptan ng pagkain at inumin ang 3 tagahayag at, mabilis pa sa lintik (relampago, lightning), nag-piging na ang 2 diwata. Hindi nila napansin, nasa likod si Sinogo, narinig lahat ng ibinulong ni Kaptan at ibig ngayong makamit ang gintong kabibi. Kahit na marami na siyang tinanggap na biyaya (ventajas, favors) at karangalan (honors) mula kay Kaptan, ninais niya ang higit pang kapangyarihan. Maaari siyang maging tunay na diwata at mag-hari sa lupa, at magtago upang hindi maparusahan ni Kaptan. Kaya paghain niya ng pagkain kay Maguayan, lihim niyang dinampot ang kabibi. Tapos, tahimik siyang tumalilis.

Matagal bago namalayang wala si Sinogo, at ipinahanap siya ni Kaptan kay Dalagan. Kasing bilis ng lintik, bumalik si Dalagan at hinayag na wala na sa pulo si Sinogo. Nataon namang napansin ni Maguayan na naglaho ang gintong kabibi kaya nahulaan ni Kaptan na ninakaw ito ni Sinogo at tumakas. Sumisigaw sa galit, inutos ni Kaptan kina Dalagan at Gidala na habulin at bihagin ang talipandas.

“Papatayin ko siya!” sigaw ni Kaptan.

Agad at walang puknat na lumipad patungo sa hilaga (a norte, northward ) sina Dalagan at Gidala, at sa banda ng pulo ng Guimaras, namataan nila si Sinogo. Napansin din sila ni Sinogo na lalong minadali ang paglipad, subalit mas mabilis kaysa sa kanya ang mga humahabol, lalo na si Dalagan, kaya unti-unti siyang inabutan.

Humugot ng sandata sina Gidala, susunggaban na sana nila si Sinogo. Biglang isinubo ni Sinogo ang gintong kabibi at, sa isang kisap-mata, naging
dambuhalang buaya siya at sumisid sa dagat. Habol pa rin, pinagta-taga siya nina Dalagan at Gidala subalit hindi tumagos sa kapal at tigas ng balat ng buaya. Patuloy ang hagaran sa lusutang (estrecho, strait) Guimaras.

Sa kaskas ni Sinogo, at sa laki ng anyo niyang buaya, sumambulat ang tubig na dinaanan hanggang, pag-ikot sa dalampasigan ng Negros, natakpan ng tubig ang munting pulo ng Bacabac, binakbak ang mga bundok duon at naging pantay ang lupa sa dagat.

Papunta na sa pulo ng Bantayan ang habulan nang biglang lumihis si Sinogo at sumingit sa makitid na pagitan ng Negros at Cebu. Iniwan ni Dalagan si Gidala na humabol nang nag-iisa upang makabalik siya sa pulo ng Kaweli. Duon, ibinalita niya kina Kaptan at Maguayan kung saan lumalangoy si Sinogo bilang isang buaya. Natantiya ni Kaptan na matatambangan nila si Sinogo sa makitid na tubig. Lumipad siya pasilangan (a oriente, eastward) at tumatag sa
kabilang dulo ng tinatawag ngayong Tanon Strait, hawak ang isang malakas na kidlat.

Kaskas dumating si Sinogo, panay na tinataga pa rin ni Gidala, nang umalingawngaw ang malakas na kulog (trueno, thunder) at biglang tumama ang kidlat sa likod ng dambuhalang buaya. Tuluy-tuloy na lumubog si Sinogo na buaya, tulak-tulak ng kidlat hanggang bumaon ito sa lupa sa ilalim ng dagat.

Nakatuhog sa kidlat, hindi naka-alpas si Sinogo at sa pagpu-pumiglas niya, nailuwa niya ang gintong kabibi. Nahulog sana sa putik ang kabibi subalit sinalo ito ng isang isda, tapos dinala kay Kaptan. Samantala, nanatiling buwaya si Sinogo at patuloy na palag nang palag sa ilalim ng dagat.

Ang walang tigil na palag ni Sinogo na dambuhalang buaya ang sanhi ng mga ipu-ipu sa bahaging iyon ng Pilipinas, bahaging laging iniiwasan ng mga namamangka, sa takot nila sa panganib.
MATAGAL na matagal na, ang mga diwata (dios y diosas, gods and goddesses) lamang ang nabubuhay dito sa daigdig (mondo, world). Ang lupa (tierra, earth) , dagat (mar, sea) at langit (cielo, sky) ay pinagha-harian ng 3 makapangyarihang ‘diwata’ (espiritus, gods). Ang ‘diwata’ ng langit ay si Araw (sol, sun) at anak niya ang napaka-gandang Buwan (luna, moon).

Aliwan ni Buwan ang mamasyal lagi na sa kalawakan ng langit, nakaluklok sa kanyang gintong saksakyan. Minsan, nakakita siya ng isang bagong daanan na, pagtahak niya, ay naghantong sa kanya sa labas ng kaharian ng langit. Duon, kung saan nagtagpo ang langit at dagat (horizon), maraming kakaiba at magaganda siyang nakita. Lalo siyang na-aliw at abala sa pamamasyal nang gulatin siya ng isang tinig sa likod. “Saan ka nagmula, hay, ikaw na pinaka-magandang nilalang?”
Paglinga ni Buwan, namasdan niya ang isang binata na, kamangha-mangha, ay hawig sa ama niya, si Araw, bagaman at mas maputi nang kaunti. Tatakbo na sana si Buwan sa takot nang nakita niyang nakangiti ang binata. Naglakas-luob siya at sumagot, “Ako si Buwan, anak ni Araw na diwata ng langit.”

Lalong napangiti ang binata. “Ako naman si Mar, anak ng diwata ng dagat. Halina’t pumasok sa aming kaharian!”

Nagsimulang maging matalik na magkaibigan ang 2 anak-diwata at matagal silang naghuntahan. Nang oras nang umalis si Buwan, nangako silang dalawa na magkikita uli nang madalas, at maraming marami silang pag-uusapan. Ganuon nga ang nangyari, at panay-panay silang nagkita sa tagpuan ng langit at dagat. Hanggang isang araw, natuklasan nilang umiibig sila sa isa’t isa.

Minsan, pagkagaling sa isa pang lihim na
pakikipag-tagpuan, maligayang-maligaya si Buwan pagbalik sa langit. Hindi napigilan ang sarili, ikinuwento niya sa isang pinsan (prima, cousin) ang pagkikita nila ni Mar. Nataon naman, hindi alam ni Buwan, inggit pala itong pinsan sa ganda at ligaya niya. Mabilis na isinumbong ng pinsan ang lihim kay Araw, ang ama ni Buwan.

Galit na galit ang diwata ng langit sa papuslit na pakikipag-ligawan ng kanyang anak. Ikinulong niya si Buwan at pinagbawalang lumabas ng langit kahit kailan man. Tapos, pinasugod niya ang isang sugo (escudero, messenger) sa diwata ng dagat upang iparatang na niligawan ni Mar nang patago ang anak niyang si Buwan. Nagalit din ang diwata ng dagat at ikinulong naman si Mar sa isang yungib (cueva, cave) sa ilalim ng dagat.

Matagal na napiit si Buwan sa luob ng langit. Lubha siyang naghinagpis at nangulila kay Mar. Isang araw, hindi na niya natiis na hindi makaharap
uli ang binata, at tumakas siya mula sa langit. Luklok sa kanyang gintong saksakyan, kumaskas siya sa kanilang dating tagpuan.

Mula sa yungib na piitan, naaninaw ni Mar sa tubig ang naghahanap na Buwan. Kinalampag niya ang yungib at sinikap na maka-kawala upang makausap muli si Buwan subalit nabulabog man niya ang tubig ng dagat, lubhang matibay ang yungib at hindi siya nakalabas.

Samantala, matagal naghintay si Buwan subalit hindi sumipot si Mar. Tigib ng lungkot, umuwi si Buwan. Subalit mula nuon, tuwing mangulila si Buwan kay Mar, tumatakas siya at nagbabalik sa lihim na tagpuan upang hanapin ang kasintahan. At tuwing litaw ni Buwan, humihilab at umaangat ang lupa.

“Si Mar ang may gawa niyan,” ang lagi nang sinasabi ng mga mangingisda ( pescadores, fishermen), “pumipiglas makalabas sa yungib.”
Baltog

NAGLIPANA pa ang mga halimaw nuong unang pumasok si Baltog sa mayamang lupa ng Ibalon. Balot ng madilim at masukal na gubat ang buong puok nang nagsimula siya, ang kauna-unahang nagtanim at nagbahay duon. Sinasabi pa sa mga alamat na alaala pa ng mga matanda na si Baltog ang kauna-unahang tao na sumuong sa Ibalon.

Ipinanganak si Baltog sa Boltavara, sa magiting na angkan ng mga Lipod, at simula’t simula pa, may taglay na siyang hiwaga (encanto, magic):

“Taga-Botavara siya may taga-bulag sa mata...”

Isa sa mga halimaw si Tandayag, mabangis na dambuhala (gigante, giant), kahindik-hindik na sawa (serpiente, boa constrictor) sa mga ibang ulat, baboy damo sa awit ng mga iba. Takot lahat kay Tandayag maliban kay Baltog. Pinatay niya ito at kinaladkad pauwi. Nagdiwang ang mga tao nang mabalitaan na patay na si Tandayag at ang lahat ng mga angkan sa mga baranggay ng Asog at ng Panicuason ay dumayo upang masdan ang napaka-laking bangkay ni Tandayag.

Handiong

MAY kasamang pangkat ng mga mandirigma ang bayaning Handiong nang dumating sa Ibalon. Marami silang panganib na sinuong, at libu-libong ulit sila nakipag-digmaan upang magapi ang mga halimaw na dinatnan nila. Una nilang nakasagupa ang mga dambuhala (higantes, giants), tig-iisa lamang ang mga mata (cyclops, one-eyed ), sa lupain ng Ponon.

Nagtatag si Handiong ng isang nayon sa Isarog, at nagsimula ang panahon ng pag-unlad para sa mga tagaruon. Sa kanyang pasimuno, nagtanim ang mga tao ng uri na palay na tinawag nilang “handiong” bilang parangal sa kanya. Si Handiong ang gumawa ng unang bangkang pandagat (bote marinero, sea canoe) sa Ibalon. Dahil sa halimbawa niyang ito, nahikayat ang iba’t ibang tao duon na tumuklas (invent) din ng sari-saring kagamitan.

Isang lalaki, si Ginantong, ang tumuklas at gumawa ng layag (vela, sail) at ugit (timon, rudder) na gamit pangtulak at pang-asinta sa paglakbay ng bangkang tinuklas ni Handiong. Si Ginantong din ang tumuklas ng araro (arado, plow), parihuela (carrito, wheelbarrow) at iba pang kagamitan (utiles, tools) sa pagbubukid. Ang iba pang si Ginantong daw ang unang gumawa ay suklay ( peine, comb) at ganta, sukat ng bigas o palay na katumbas ng 3 sa 4 bahagi (3/4) ng isang kilo.

Iba pang lalaki, si Hablom, ang tumuklas sa “hubulan” (telar, loom, “habian” sa Tagalog) na gamit pa hanggang ngayon panghabi ng tela (cloth). Samantala, ang matalinong Sural daw ang tumuklas sa panitik (abecedario, alphabet) at unang sumulat sa puting bato. Maniwaring may paaralan daw siya dati sa isang bahagi ng Peñafrancia Avenue sa kasalukuyang lungsod ng Naga.

Bantong

MAHABANG panahon mapayapang umunlad ang Ibalon sa pamumuno ni Handiong subalit walang magandang palad (suerte, luck) na nagtatagal, at ang Bicol, mula pa nuong Unang Panahon ay lagi nang sinalanta by marahas na kalikasan. Sumapit ang panahon ng malaking baha ( flood ) na pinawalan sa lupa ni Unos (borrasca, storm).

Tapos, nagsimula ang sunud-sunod na lindol (terremoto, earthquakes), sinabayan pa ng pagsabog ng 3 bulkan - ang Hantik, ang Kolasi at ang Isarog. Bumaon ang lupa, pati mga bundok ay gumuho, at maraming nayon sa Ibalon ang nawasak. Napunit din ang lupa mula sa Kalabanga hanggang sa Ponon, sa Magarao, na tinatahak ngayon ng ilog Inarihan.

Sa lakas ng mga lindol, umangat ang Pasacao mula sa dagat, pati na ang pulo ng Kotmo na bahagi ng Pasacao. Sa Kotmo ang tahanan ng isang halimaw, si Rabot, ang dambuhala (gigante, giant) na may katawang kalahati ay tao, at kalahati ay hayop (half-man, half-beast). Mabagsik ang kanyang kapangyarihan.

Inutusan ni Handiong ang kanyang kaibigan, si Bantong, upang puksain si Rabot. Nagsama ng 1,000 mandirigma si Bantong subalit talino, at hindi lakas ng katawan, ang ginamit niya laban sa halimaw. Hindi nila sinugod agad ang lungga (guarida, den), kundi nagmanman muna upang maunawaan ang ugali ni Rabot. Nakita ni Bantong ang malalaking bato (piedras, rocks) na nakapaligid sa lungga - mga tao na ginawang bato ni Rabot.

Pagtagal, namalayan ni Bantong na madalas at mahimbing matulog ang halimaw. Kaya minsang tulog si Rabot, ginapang siya ni Bantong. Sinaksak ng bayani sa dibdib si Rabot at namatay ang halimaw.

Nagbalik ang katahimikan sa Ibalon.
ISANG ARAW nuong Unang Panahon, sa nayon ng Hannanga, isang sanggol na lalaki ang isinilang sa mag-asawang Amtalao at Dumulao. Ang pangalan niya ay Aliguyon. Siya ay matalino at masipag matuto ng iba’t ibang bagay. Katunayan, ang napag-aralan niyang mahahalaga mula sa mga kasaysayan at pangaral ng kanyang ama ay marami. Natuto siya kung paano makipag-bakbakan nang mahusay, at paano umawit ng mga mahiwagang gayuma (encantos, magic spells). Kaya kahit nuong bata pa, tiningala na siya bilang pinuno, at hanga ang mga tao sa kanya.

Nang mag-binata si Aliguyon, ipinasiya niyang sagupain si Panga-iwan, ang kaaway ng kanyang ama, sa nayon ng Daligdigan. Subalit ang sumagot sa kanyang hamon (reto, challenge) ay hindi si Panga-iwan. Ang humarap sa kanya ay ang mabangis na anak nito, si Pumbakhayon, marunong ng hiwaga at bihasa rin sa bakbakan tulad ni Aliguyon.

Hindi naaling, pinukol ni Aliguyon ng sibat si Pumbakhayon. Kasing bilis ng kidlat, umiktad si Pumbakhayon upang iwasan ang sibat at, kagila-gilalas, sinalo sa hangin ang sibat ng isa niyang kamay! Wala pang isang kurap ng mata, binaligtad ni Pumbakhayon ang sibat at hinagis pabalik kay Aliguyon. Umiwas din si Aliguyon at sinalo rin ng isang kamay sa hangin ang humahagibis na sibat. Binaliktad din niya at ipinukol uli kay Pumbakhayon.

Pabalik-balik at walang tigil, naghagisan at nagsaluhan ng sibat si Aliguyon at Pumbakhayon hanggang umabot ng 3 taon, hindi pa rin tumigil ang
bakbakan, at walang nagpakita ng pagod o pagsuko. Subalit sa bangis at dahas ng kanilang paghahamok, kapwa sila humanga sa giting at husay ng kalaban, at pagkaraan ng 3 taong bakbakan, natuto silang igalang ang isa’t isa.

Biglang bigla, tumigil sina Aliguyon at Pumbakhayon at nahinto, sa wakas, ang bakbakan. Nag-usap at nagkasundo sila ng payapa (paz, peace) ng kanilang nayon ng Hannanga at Daligdigan. Buong lugod na sumang-ayon lahat ng tao sa 2 nayon, at ipinagdiwang nila ang kampihan ng 2 bayani.

Sa paglawak ng katahimikan, umunlad ang 2 nayon. Naging matalik na magkaibigan sina Aliguyon at Pumbakhayon. Nang sapat na ang gulang ni Aliguyon, pinili niyang asawa si Bugan, ang batang-batang kapatid na babae ni Pumbakhayon. Inalagaan niya sa bahay si Bugan hanggang lumaki itong napaka-gandang dalaga.

Ang pilining asawa naman ni Pumbakhayon ay ang kapatid na babae ni Aliguyon, si Aginaya. Ang 2 familia nila ay yumaman at iginalang ng lahat sa Ifugao.
MAGALING mangahoy si Magbangal at madalas siyang umaakyat sa isang bundok upang pumatay ng baboy damo na kinakain nila. Isang gabi, bandang panahon nang pagtatanim, at nag-isip nang matagal sa bahay si Magbangal bago tinawag ang asawa. “Bukas aakyat ako sa bundok mag-isa,” sabi niya paglapit ng asawa, “upang ihanda ang taniman.”

“Sasama ako,” sagot ng asawa, “para hindi ka nag-iisa.”

“Huwag na,” sabi ni Magbangal, “Nais kong mag-isa, dito ka na lamang sa bahay.”

Pumayag ang babae at gumising na lamang nang maaga kinabukasan at hinanda ang almusal ng asawa. “Ayaw kong kumain ngayon,” sabi ni Magbangal, “ihanda mo na lamang pagbalik ko mamayang hapon.”

Umalis na si Magbangal, dala ang kanyang 10 palakol (hachas, axes) at bolo (mga itak), isang batong hasaan (afilador, whet stone) at kawayang pangbitbit, at umakyat sa bundok. Pumutol siya ng mga sanga ng puno (ramas, branches) upang upuan, tapos inutusan ang mga bolo, “Hasain ninyo ang mga sarili ninyo.”

Naghasa nga sa sarili ang mga bolo. Tapos, ang mga palakol naman ang inutusan ni Magbangal, “Maghasa rin kayo sa sarili.”

Nang hasa na silang lahat, hinayag ni Magbangal ang kanilang gawain. “Kayong mga bolo, putulin ninyo ang mga talahib at sukal sa lupa at paligid ng mga puno. Kayong mga palakol, putulin ninyo ang mga puno.”

Nag-trabajo ang mga bolo at mga palakol habang nakaupo at nagmamasid si Magbangal. Hindi nagtagal, inantok siya at nakatulog. Narinig pala ng asawa niya, naghahabi (weaving) ng tapis (falda, skirt) sa bahay, ang sunud-sunod na bagsak ng mga puno. “Nag-iisa siyang umalis,” nasaisip ng asawa. “Ngayon, ang daming pumuputol ng puno. Nakatagpo siguro ng maraming kasama.”

Umakyat din sa bundok ang asawa upang tignan kung sino ang katulong ni Magbangal. Malayo pa, nakita na niyang natutulog sa isang tabi si Magbangal, at panay ang hataw ng mga bolo at palakol sa mga talahib at puno. Nuon lamang nakakita ang asawa ng mga kagamitan na nagta-trabajo nang nag-iisa.

“Aba, makapangyarihan pala si Magbangal,” bulong ng asawa sa sarili, “Hindi sinabi sa akin na may taglay siyang hiwaga!”

Biglang umigtad si Magbangal, sinunggaban ang isang bolo at, alipungatan pa, tinaga at pinutol ang sariling bisig. Saka lamang lubusang nagising si Magbangal.

“Ay,” palatak niya sa sarili, “may sumisilip sa akin, kaya putol ang isang bisig ko!”

Luminga-linga si Magbangal hanggang nakita ang asawa, nagkukubli sa likod ng isang puno, at nabatid niya kung bakit putol ang kanyang bisig. Kaya nang pauwi na silang magkasama, hinayag ni Magbangal sa asawa, “Ngayon, pupunta na ako sa langit. Mas mainam na duon ko ihudyat sa mga tao ang simula ng panahon ng pagtanim. Ikaw, dapat kang pumunta sa tubig at maging isda.”

Umakyat nga sa langit si Magbangal at naging kumpol ng mga bituwin na tinatawag pang Magbangal hanggang ngayon ng mga Bukidnon. At tuwing makita nila si Magbangal sa langit, alam nilang dapat nang magtanim ng palay.
NUONG simula, walang tao sa daigdig. Si Lumawig, ang pinaka-makapangyarihang diwa (espiritu, god ), ay bumaba mula sa langit at pumutol ng maraming yantok (cañas, reeds). Pinaghiwa-hiwalay niya ang mga ito nang tig-2 bago ikinalat sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Tapos, inutusan niya ang mga ito.

“Magsalita kayong lahat!”

Walang kaabog-abog, ang mga yantok ay naging mga tao, - naging isang babae at isang lalaki ang bawat tig-2 ikinalat sa daigdig. At lahat sila ay nagsimulang magsalita subalit magka-kaiba ang kanilang mga wika.
“Mag-asawa kayong lahat!”

Ito ang sunod na utos ni Lumawig. Sumunod ang mga bagong tao at pagkaraan ng panahon, maraming mga anak ang isinilang. Pagtagal pa, nag-asawa-asawa rin ang mga anak kaya lalong dumami ang mga tao sa daigdig. Lahat ay nagsalita ng wika ng kanilang mga magulang kaya magka-kaiba ang usap-usapan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.

Napansin ni Lumawig na may mga kailangan ang mga tao, at lumapag siya muli sa lupa upang magbigay ng biyaya. Nilikha niya ang asin, at inutos sa mga tao sa isang puok na pakuluan ito hanggang matuyo at tumigas, at ipagbili sa mga kalapit-pangkat. Hindi naunawaan ng mga tao duon kung paano sumunod sa utos kaya nuong pagbalik ni Lumawig, nakita niyang ni hindi hinipo ang asin. Dinala niya ang asin sa puok na tinawag na Mayinit at ang mga tagaruon ang inutusan. Sinunod siya ng mga tagaruon at, dahil dito, ipinahayag ni Lumawig na sila ang laging mag-aari sa asin habang panahon, at sa kanila bibili ng asin ang ibang mga tao.

Tapos, nagpunta naman si Lumawig sa Bontoc at inutusan ang mga tagaruon na kumuha ng luwad (arcilla, clay) at gumawa ng mga palayok (ollas, pots) at banga (tinajas, jars). Nag-ipon ng luwad ang mga tagaruon subalit hindi nila alam kung paano maghugis kaya tabi-tabingi ang ginawang mga banga. Dahil dito, inutos ni Lumawig na lagi na silang kailangang bumili ng banga mula sa ibang tao. Sa puok ng Samoki nagtuloy si Lumawig at ang mga tagaruon ang pinagawa ng mga banga at palayok. Mainam at maganda ang natapos ng mga taga-Samoki kaya inutos ni Lumawig na sila na ang magiging may-ari ng pagpa-paso (alfareria, pottery), na dapat silang gumawa ng maraming palayok at banga na ipagbibili sa ibang tao.

Sa ganitong paraan, naturuan ni Lumawig ang mga tao ay naibigay sa kanila ang kanilang mga kailangan at gamit pa hanggang ngayon.
NUONG pinaka-unang panahon, nuong wala pang tao sa daigdig, naglipana ang mga limokon, isang uri ng kalapati ( paloma, dove) na malakas at marunong magsalita tulad ng tao bagaman at sila ay anyong ibon. Minsan, isang limokon ay nangitlog - isa sa bukana ng ilog Mayo, at isa sa puno o simula ng ilog ding iyon. Pagkaraan ng panahon, napisa (empollar, hatch) ang 2 itlog at, at sa halip na limokon, ang lumabas ay 2 tao - lalaki sa bukana, at babae sa sibulan, ng ilog Mayo.

Lumaki at matagal na panahon namuhay ang 2 unang tao nang magkahiwalay, at walang malay na ibang tao na buhay maliban sa sarili nila. Lumbay na lumbay sila kapwa, at panay ang hangad na magkaruon sila ng kasama.

Ang lalaki ang unang nawalan ng tiyaga at nagsigasig na maghanap ng kapwa tao dahil isang araw, may pumatid sa kanya habang tumatawid siya sa ilog. Malakas ang patid sa kanya, tumumba siya at muntik nang malunod. Nang maka-ahon siya, natuklas niyang makapal na buhok ang pumatid sa kanya, at ipinasiya niyang hanapin kung kangino nagmula ito.

Malayo ang narating paakyat sa pinagmulan ng ilog Mayo, inusisa ng lalaki ang magkabilang pampang hanggang sa wakas, natagpuan niya ang babae sa sibulan ng ilog. Tuwang-tuwa sila kapwa at nakakita na ng makakasama. Nag-asawa sila at maraming naging anak - mga tao na tinatawag pang Mandaya hanggang ngayon, at namumuhay pa rin sa tuntunin ng ilog Mayo.
NUONG pasimula, nabuhay ang isang lalaki lamang, si Toglai, at isang babae, si Toglibon. Ang 2 unang anak nila at isang lalaki at babae na, paglaki, ay naglakbay sa malayong-malayo upang humanap ng matitirahan. Walang nabalita tungkol sa kanila hanggang bumalik ang kanilang mga anak, ang mga Español at mga Amerkano.

Pagkatapos umalis ang 2 unang anak, nagka-anak pa ng marami sina Toglai at Toglibon. Wala sa kanilang umalis, namuhay lahat sa Sibulan, sa gilid ng bundok Apo, kasama ng kanilang mga magulang. Pagkaraan ng matagal na matagal na panahon, namatay din, sa wakas, sina Toglai at Toglibon at naging mga ‘diwata.’

Hindi nagtagal pagkatapos, nagpanahon ng tuyot (sequia, drought) at sa luob ng 3 taon, wala kasing patak ng ulan (lluvia, rain) na bumagsak. Lahat ng ilog at lawa ay natuyo, at sa kawalan ng tubig, natuyo lahat ng halaman, at namatay pati mga isda at iba pang hayop na nabubuhay sa tubig.

“Talagang pinarurusahan tayo ni Manama,” sabi ng mga ulilang magkakapatid. “Kailangang maglakbay tayo nang malayo sa iba’t ibang upang humanap ng tubig at pagkain.”

Dala-dalawa, nag-alisan ang magkakapatid mula sa sinibulan sa bundok Apo at kumalat kung saan-saan. Sa bawat puok na tinigilan nila, dumami ang mga tao at ganito nagka-tao sa buong daigdig. Ang pangkat-pangkat na nabuo ng kanilang mga anak-anakan (descendants) ay tinatawag pa hanggang ngayon ayon sa mga bagay na dala nila mula sa Sibulan.

Isang babae at isang lalaki ay nagtungo sa kanluran (occidente, west), bitbit-bitbit ang mga bato mula sa ilog Sibulan. Pagkatapos ng mahabang lakbay, nakarating sila sa isang puok na may mala-lawak na bukid, tinutubuan ng makapal na talahib (cogon, elephant grass), at dinidilig ng marami at malalaking ilog at lawa ng tubig (laguna, lake). Nanduon pa hanggang ngayon ang kanilang mga anak-anakan, tinatawag na Magindanao dahil sa mga bato mula sa ilog Sibulan na binibitbit duon ng mga ninuno.

Dalawa pang anak nina Toglai at Toglibon ay nagtungo naman sa timog (sur, south), bitbit ang mga buslo (cestas, baskets) na tinawag na mga baraan. Nakakita rin sila ng mainam na matitirahan, at duon dumami ang kanilang mga anak-anakan, tinatawag ngayong Baraan o Bilaan dahil sa dala-dalang mga baraan ng kanilang ninuno.

Dalawa sa mga naulilang anak nina Toglai at Toglibon, isang binatilyo at isang dalagita, ay hindi nakaalis sa bundok Apo dahil masyado nang nanghina sa gutom upang maglakbay. Dumating ang araw na agaw-buhay na sila nang gumapang ang binatilyo upang humanap ng anumang makakain. Hindi inaasahan, nakakita siya ng tubo matamis (sugarcane) na, pagkaputol niya, ay may sapat na katas (jugo, juice) upang buhain silang dalawa hanggang natapos ang panahon ng tag-tuyot at nagsimula ang tag-ulan. Dahil dito, ang mga anak-anakan nila ay tinatawag ngayong Bagobo.
LIBU-LIBONG taon sa nakaraan, nuong wala pang araw o buwan, o mga bituwin, walang lupa - ang daigdig ay natatakpan ng dilim at malawak na dagat. At sa itaas, ng taklob ng langit. Ang makapangyarihang Kaptan ang hari sa langit, samantalang ang tubig ay kaharian ni Maguayan.

May anak na babae si Maguayan, ang ngalan ay Lidagat. Lalaki ang anak ni Kaptan, si Lihangin. Nagkasundo ang 2 diyos na mag-asawa ang mga anak nila kaya nagsama ang hangin at dagat. Nagka-anak sila ng 3 lalaki at isang babae, si Lisuga, hubog sa lantay na pilak ( pura plata, pure silver), mahinhin at mayumi. Ang mga lalaki ay si Likalibutan, buong bato, malakas at matapang, si Liadlao, lantay na ginto at laging masaya, at si Libulan, buong tanso, mahina at kimi.

Mahal silang lahat ng mga magulang at pinalaki sila sa ligaya. Dumating ang panahon, namatay si Lihangin. Si Likalibutan, ang panganay, ang nagmana ng pagka-hari sa hangin. Hindi nagtagal, si Lidagat man ay namatay. Naiwang ulila ang mga anak kaya inaruga sila ng mga lolo, sina Kaptan at Maguayan, at iniligtas sa anumang panganib.

Paglaki, nawili si Likalibutan sa minanang pagka-hari sa hangin, at hinangad niyang
palakihin pang lalo ang kanyang kapangyarihan. Inamuki niya ang 2 kapatid na lalaki na sumabwat sa kanyang pag-agaw sa lakas ng lolo, si Kaptan. Tumanggi muna ang 2 kapatid subalit nagalit si Likalibutan kaya pumayag na rin si Liadlao upang mapahinahon ang kapatid. Magkatulong, madali nilang napilit ang kiming kapatid, si Libulan.

Naghanda sila at biglang sinugod ang langit subalit hindi nila naibagsak ang nakaharang na pintong bakal. Pinawalan ni Likalibutan ang pinaka-malakas niyang hangin at giniba ng ipu-ipo ang pintong bakal. Lumusob ang 3 magka-kapatid subalit hinarap sila ng puot na puot na Kaptan. Natakot ang 3 at mabilis na tumalilis subalit ipinahagad sila sa kidlat ni Kaptan.

Ang kiming Libulan ang unang tinamaan, natunay at naging bilog na bola. Sunod tinamaan at natunay ang ginintuang Liadlao. Nang tamaan ng kidlat si Likalibutan, nagka-pira-piraso ang kanyang katawang bato at kalat-kalat na bumagsak sa dagat. Napaka-laki ng katawan ni Likalibutan kaya ang tipak-tipak na bato ay usli sa dagat at naging mga pulo.


Samantala, ang mayuming Lisuga ay nalumbay at hinanap ang mga kapatid, walang malay na nagka-digmaan, at puot na puot ang kanyang lolo. Papalapit pa lamang siya sa langit nang nalingatan si Kaptan at, bago nakapag-pigil, pinukol din ng kidlat. Nadurog si Lisuga sa libu-libong piraso ng pilak.

Sukdulan pa rin ang galit, lumundag sa dagat si Kaptan at sumisid upang sabakan si Maguayan na akala niya ay kasabwat sa paglusob. Subalit mabilis na lumitaw si Maguayan at nangatwirang wala siyang kinalaman sa nangyari, sapagkat natutulog siya nuon sa kalaliman ng dagat. Napahinahon din niya sa wakas si Kaptan, at magka-akbay silang nagluksa sa pagkamatay ng mga apo, lalo na ang maganda at mahinhing Lisuga.

Sinubok nilang ibalik ang buhay ang mga apo subalit hindi abot ng kanilang kapangyarihan, kaya pinatawan na lamang nila ng liwanag na kikinang habang panahon. Sa gayon, ang ginintuang katawan ni Liadlao ay naging araw (sol, sun), ang kiming Libulan ang naging buwan (luna, moon), at si Lisuga ay naging libu-libong bituwin sa langit.

Ang buhong na Likalibutan ay hindi binigyan ng liwanag at hindi inangat sa langit. Ipinasiya ng 2 lolo na gamitin ang kanyang pira-pirasong bangkay bilang sibulan ng ibang uri ng tao. Naglabas ng buto si Kaptan at itinanim sa isang pulo na dating bahagi ni Likalibutan. Dinilig ito lagi ni Maguayan at hindi nagtagal, tumubo ang isang puno ng kawayan. Mula sa isang biyas (node) nito, lumabas ang isang lalaki, si Sikalak, at isang babae, si Sikabay. Sila ang magulang at ninuno ng lahat ng tao sa daigdig.

Ang unang anak nila ay ang lalaking Libo, sinundan ng babaing Saman. Ang pang-3 anak ay isang lalaki rin, si Pandaguan na nagka-anak din ng isang lalaki, si Arion.

Matalino si Pandaguan at lumikha siya ng bitag (trampa, trap) na panghuli ng isda. Ang una niyang nabihag ay isang dambuhalang pating na pagka-ahon sa lupa ay napaka-laki at nakaka-takot kaya inakala ni Pandaguan na isang diyos ito. Agad niyang tinawag ang mga tao at hinimok na sambahin nilang lahat ang pating. Paligid silang umaawit at nagdarasal sa pating nang biglang bumuka ang langit at dagat at lumitaw ang 2 tunay na diyos, sina Kaptan at Maguayan. Inutos nila na itapon ang pating sa dagat at huwag sumamba kahit kanino maliban sa kanilang dalawa.

Lahat ay natakot maliban kay Pandaguan. Hinarap niya ang 2 diyos at pinilit na kasing laki ng diyos ang pating. Dinagdag pa niya, dahil nagapi niya ang
pating kaya niya rin talunin ang mga diyos. Pagkarinig dito, pinukol ni Kaptan ng kidlat si Pandaguan, subalit munting kidlat lamang sapagkat ayaw niyang patayin ito, bagkus turuan lamang madalâ. Tapos, pinarusahan nilang dalawa ni Maguayan ang lahat ng tao. Pinalayas nila ang mga tao sa kalat-kalat na pulo.

Hindi nga namatay si Pandaguan bagaman at 30 araw siyang nahandusay bago nakatayo uli. Lumakas siya uli, subalit sunog ang buong katawan kaya lahat ng anak niya mula nuon ay itim ang balat. Si Arion na anak niya bago nagka-parusahan ay hindi umitim. Pinalayas siya ng 2 diyos sa hilaga (norte, north) kung saan siya lalong namutla. Kaya ang mga anak-anakan niya ay mapuputi ang mga balat.

Si Libo at si Saman ay ipinatapon sa timog (sur, south) kung saan “naluto” ang kanilang balat, kaya ang mga anak-anakan nila ay kayumanggi ang kulay. Ang anak na lalaki ni Saman, kasama ang anak na babae ni Sikalak, ay itinaboy sa silangan (oriente, east) at nasadlak sa pulo na matagal bago tinubuan ng halaman. Walang pagkain, napilitan ang dalawa na kumain ng luwad (arcilla, clay), kaya ang mga anak-anakan nila ay dilaw (amarillo, yellow) ang kulay ng balat.

Ganito nalikha ang araw, buwan at mga bituwin sa langit, ang mga pulo sa ibabaw ng dagat, at paano nagkaruon ng iba’t ibang uri ng tao sa daigdig.
Nuong unang panahon, may 2 bathala na namamahay sa langit, si Kaptan at si Maguayan. Napa-ibig si Kaptan kay Maguayan at sila ay nag-asawa.

Isang araw, tulad sa nangyayari sa mga mag-asawa pagkatapos ng unang pagsasama, nag-away si Kaptan at si Maguayan. Sa bugso ng galit ni Kaptan, pinalayas niya ang kanyang asawa. Malaki ang paghihinagpis na umalis si Maguayan.

Nang wala na ang diyosa, ang diyos na Kaptan ay inabot ng lumbay. Nabagabag siya ng kamaliang ipinataw niya sa kanyang asawa. Subalit huli na upang humingi siya ng patawad. Hinalughog niya ang buong kalangitan, subalit hindi niya natagpuan si Maguayan. Tulad sa usok naglaho ang diyosa.

Upang mahupa ang kanyang lumbay, ang namimighating diyos ay lumikha ng daigdig at nagtanim ng kawayan sa halaman na pinangalanang Kahilwayan. Nagtanim din siya ng palay, mais at tubo. Sa lahat ng mga tanim, ang kawayan ang unang umusbong. Tumubo itong maganda puno na malambot ang mga sanga at mga dahon na parang balahibong kumakaway sa daloy ng hangin.

Nang makita ang ganda ng kanyang nilikha, napuno ng ligaya ang kaluoban ni Kaptan. “Ah,” buntong hininga niya, “kung narito lamang si Maguayan, malulugod siyang masdan itong magandang tanawin sa gitna ng simoy ng hangin at kiskisan ng mga dahon!”

Patuloy ang pagtubo ng kawayan. Ang halamanan ay lalong gumaganda araw-araw. Isang dapit-hapon, habang si Kaptan ay nanunuod ng kaway-kaway ng mga dahon sa simoy ng hangin, isang sapantaha ang nabuo sa kanyang isip at, bago pa niya namalayan kung ano ang nangyayari, binulong na niya sa kanyang sarili, “Lilikha ako ng mga mag-aalaga nitong mga halaman.”

Agad-agad, ang kawayan ay nahati sa 2 kabiyak. Mula sa isang bahagi, lumitaw ang unang tao. Pinangalan ni Kaptan ang tao ng Sikalak, pangalang nangangahulugan “ang matipunong nilikha.” At mula nga nuon, ang mga katulad ni Sikalak ay tinawag na lalak, o sa palayaw na lalaki.”

Pagkatapos, mula sa kabilang bahagi ng biyak na kawayan lumitaw ang pangalawang nilikha. Bininyagan siya ng diyos ng Sikabay, pangalang ibig sabihin ay “katulong ng nilalang na malakas.” Mula nuon, ang kanyang mga katulad ay tinawag na sibabaye o babaye, sa palayaw.

Magkasama, ang dalawang nilikha ay nagtanim sa halamanan at inalagaan ang mga pananim. Sa kabilang dako, si Kaptan ay nagpunta sa malayo upang hanapin si Maguayan.

sang araw, pagka-alis ng diyos, niyaya ni Sikalak si Sikabay na magpakasal sa kanya. Subalit ang babae ay tumanggi. “Hindi ba magkapatid tayo?” pinagalitan niya ang lalaki.

“Tutuo ang sinabi mo. Subalit walang ibang tao dito sa halamanan,” nangatwiran si Sikalak. “At kailangan natin ang mga anak na tutulong mag-alaga dito sa napaka-laking lupa para sa ating panginoon.”

Hindi natinag ang babae. “Alam ko,” sagot niya, “subalit ikay ay aking kapatid. Kapwa tayo isinilang sa iisang puno ng kawayan, at kaisa-isang biyas ang nagkabit sa ating dalawa.”

Pagtagal-tagal, matapos ng mahabang pagtatalo, humingi sila ng payo sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid. Ipinayo ng mga isda at ng mga ibon na magpakasal sila. Hindi pa rin nahimok, sumangguni si Sikabay sa lindol, na sang-ayon din sa kanilang pag-aasawa.

“Kailangang mag-asawa kayo,” sabi ng lindol, “upang magka-tao sa daigdig.”

Kaya nag-asawa sina Sikalak at Sikabay. Ang una nilang anak ay isang lalaki, na pinangalanan nilang Sibu. Pagkatapos, nagka-anak sila ng isang babae, na tinawag nilang Samar.
APAT lamang ang mga nilalang nuong pasimula - sina Melu, Fiyuwey, Diwata at Sawey - at nakatira sila sa isang pulo na kasing liit lamang ng salakot. Walang anumang tumutubo duon, maging puno o damo, at ang tanging buhay na kasama nila ay isang ibon, si Buswit.

Isang araw, inutusan nila ang ibon na lumipad sa dagat at humanap ng anumang makikita niya. Pagbalik ni Buswit, may dala siyang lupa, isang piraso ng yantok (rattan), at ilang bungang kahoy (frutas). Si Melu ang pinaka-malakas sa kanila, at kinuha niya ang lupa at hinugis ng patpat, tulad ng paghugis sa palayok ng mga babae ngayon, hanggang itoy ay maging bilog na daigdig. Pagkatapos, itinanim niya duon ang yantok at ang mga buto (semillas, seeds) ng bungang kahoy. Tumubo ang mga ito at hindi nagtagal, natakpan ang daigdig ng mga yantok at mga puno ng sari-saring bungang kahoy.

Masayang pinanuod ng 4 nilalang ang pagtubo at pagbubunga ng mga tanim subalit pagtagal, sinabi ni Melu, “Ano ang katuturan nitong daigdig at lahat nitong yantok at bungang kahoy kung walang tao?”

“Gamitin natin ang pagkit” (cera, wax), sabi ng ibang nilalang, “at gumawa tayo ng mga tao!”

Matagal silang nagpagod sa paghugis ng mga tao mula sa pagkit, subalit nang ilapit nila sa apoy upang patigasin, natunaw sa halip ang kanilang mga likha. Nuon nila natuklas na hindi maaaring gumawa ng tao mula sa pagkit. Sunod nilang sinubok ang lumikha ng tao mula sa lupa. Isa sa mga kasama ni Melu ang gumawa ng mga ilong na idinikit niya sa mukha nang baligtad - nasa itaas ang butas.

“Malulunod ang mga tao kapag ganyan,” sabi ni Melu subalit ayaw ibahin ng kasama ang ginawa. Hinintay ni Melu na malingat ang kasama bago niya inikot isa-isa ang mga ilong hanggang natapos niya lahat. Subalit sa pagmamadali niya, napiyot ni Melu ang malambot na lupa, kaya makitid ang punong dulo ng bawat ilong ng tao hanggang ngayon.