Biyernes, Disyembre 31, 2010


Ang Unang Sigaw sa Pugad Lawin ay isang natatatanging pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas na binubuo ng mahigit limandaang Katipunero na sabay-sabay na pinunit ang kani-kanilang sedula bilang pagpapatunay ng kanilang tuluyang pagtiwalag sa pamumuno ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ito ay naganap noong Agosto 23, 1896 sa pamumuno ni Andres Bonifacio, ang Supremo ng Katipunan.


Noong Hulyo 5, 1896 nang matuklasan ng pamahalaang Espanya ang samahang Katipunan. Isang liham ang ipinadala ni Tenyente Manuel Sityar, isang opisyal ng Pasig, sa Gobernador Sibil ng Maynila upang ipaabot ang kaniyang kaalaman sa samahang kubling binubuo sa kabisera. Ayon sa kaniyang balita, ang samahan ay buong-tapang na nagsisiwalat ng mga kamalian ng pamahalaan at ang puwersa nito ay umabot na maging sa kalapit na sakop ng Maynila gaya ng Mandaluyong at San Juan. Ayon rin kay Sityar, may nalikom na laang-salapi ang samahan na sapat upang matustusan ang mga kasapi ng mga armas na kanilang gagamitin sa napipintong pag-aaklas nila.

Dahil sa pagkatuklas ng Katipunan, pinasabihan ni Andres Bonifacio ang iba't iba pang pinuno ng samahan na isang pagtitipon ang kanilang pasisinayaan sa Balintawak at dito ay pag-uusapan kung ano ang pinakamainam na hakbangin na kanilang gagawin. Noong Agosto 19, kasama ang kapatid na si Procopio, at ilang kasapi gaya nina Emilio Jacinto, Teodoro Plata at Aguedo del Rosario, ay tumulak si Andres Bonifacio sa Balintawak at sinapit ito dakong madaling-araw. Nang sumunod na araw naman ay natunton ito ng grupo ni Pio Valenzuela. Kinabukasan muli ay binago ni Bonifacio ang kodigo ng Katipunan matapos mapag-alamang nababatid na ito ng mga Espanyol. Matapos magtipon ang may limandaang Katipunero, ay binagtas nila ang Kangkong, Kalookan at dito ay pinaunlakan silang patuluyin at pakainin ni Apolonio Samson. Hapon ng Agosto 22 ay tinungo naman nila ang Pugadlawin.

Agosto 23, 1896 nang marating nila ang tahanan ni Juan A. Ramos, anak ng kinikilalang "Ina ng Katipunan" na si Melchora Aquino. Sa kabila ng pilit pagtanggi ng kaniyang bayaw na si Teodoro Plata ay sumang-ayon naman ang lahat na simulan na ang pakikipaglaban. Sa utos ni Bonifacio, sabay-sabay inilabas ng mga Katipunero ang kanilang sedula at pinunit ito ng buong pagmamalaki at katapangan. Dito napagkasunduan na ang unang yugto ng himagsikan ay gaganapin sa Agosto 29, kabibilangan ng lahat ng kasapi ng Katipunan.