Lunes, Hulyo 13, 2009

MINSAN, may isang lalaki na may asawa na hindi maganda. Dumating ang panahon, ayaw na niyang makita kaya lumayas siya at nag-asawa ng ibang babaing mas maganda. Naghinagpis ang kanyang unang asawa, at umiyak araw-araw. Isang araw, lumuluha ang babae habang umiigib ng tubig sa balon ( pozo, well ). Dumating ang isang matandang babae.

“Bakit ka umiiyak?” tanong ng matandang babae na, ang totuo, ay mangkukulam (bruja, witch).

“Iniwan ako ng asawa ko,” hikbi ng unang asawa, “at nag-asawa ng iba!”

“Bakit?”

“Kasi hindi raw ako maganda!” bulalas ng unang asawa na tuluyan nang napahagulhol. Naawa ang mangkukulam at hinipo nang sandali ang mukha ng umiiyak na babae. “Hindi na ako makatagal dito!” hikbi ng unang asawa. Bitbit ang inigib na tubig, umuwi na ang unang asawa.

Napansin niya habang naglalakad sa daan na tinititigan siya ng mga tao. Pati ang mga kaibigan niya ay napapa-tunganga, at parang hindi siya nakilala. Hindi kumibo ang unang asawa dahil akala niya pinapanuod ang pag-iyak niya. Yumuko na lamang ang babae at humangos pauwi habang patuloy ang pagluha, awang-awa sa sarili.

Pagdating sa bahay, napasulyap ang unang asawa sa salamin. Bigla siyang natigilan. Hindi niya nakilala ang babaing nakita sa salamin! Napaka-ganda ng mukha niya, pinaka-maganda sa buong kabayanan!

Mabilis kumalat ang balita sa buong kabayanan na may napaka-gandang babae na nakatirang mag-isa sa bahay ng unang asawa. Dumagsa ang mga tao duon upang masulyapan paulit-ulit ang magandang dilag. Pati ang lumayas na asawang lalaki ay nakasagap sa balita. Nagtataka, bumalik siya sa dating tirahan upang makita ang magandang babae.

Palinga-linga ang lalaki, hinahanap ang kanyang unang asawa na, hindi niya alam, ay hindi na niya makikita kailan man. Ang kanyang nakaharap ay ang napaka-gandang babae. Napayuko na lamang ang lalaki at nagpahayag ng pag-ibig. Ang magandang babae, na talagang ang lihim na unang asawa, ay ayaw maniwala sa nanliligaw na lalaki. Isang dahilan ay may kinakasama na siyang babae.

Sa wakas, hinayag ng lihim na unang asawa, “Kung iiwan mo agad ang kinakasama mong babae, at mabilis kang lumipat dito, tatanggapin kitang asawa ko.”

Walang abog-abog na iniwan ng lalaki ang pang-2 asawa at tumira uli sa dating bahay, kasama ang hindi niya alam na una niyang asawa. Ang napag-iwanang pang-2 asawa naman ay galit na galit nang mabalitaang nagtanan ang lalaki sa napaka-gandang babae. Lalo siyang nagsiklab nang kumalat ang bulong-bulong na ang magandang babae ay talagang ang unang asawa na pina-ganda lamang ng isang mangkukulam. Masugid na inusisa itong balita ng pang-2 asawa hanggang natuklas niya ang buong pangyayari. Pinasiya niyang ganuong din ang gawin upang mapa-ganda rin siya ng mangkukulam. Mula nuon, araw-araw siyang nagtungo sa balon at umiyak hanggang, isang araw, isang matandang babae ang lumapit sa kanya.

“Bakit ka umiiyak, ale?” tanong ng matandang babae na, sa katunayan, ay ang mangkukulam na dating dumalaw duon.

“Iniwan ako ng asawa ko,” hikbi ng pang-2 asawa, “at sumama sa magandang babae!”

Marahang hinipo ng mangkukulam ang mukha ng pang-2 babae at sinabi,
“Huwag ka nang umiyak at umuwi ka na. Malapit na ang katapusan ng paghihirap mo!”

Sagsag umuwi ang pang-2 asawa upang maghanda sa akala niyang pagbalik ng kanyang lalaki. Subalit sa daan pa lamang, napansin niyang lahat ng nakasalubong niya ay tumatakbo sa takot pagkakita sa kanya. Pagdating sa bahay, agad humarap sa salamin ang pang-2 asawa at napatili. Ang pangit-pangit niya! Buong mukha ang haba ng ilong niya. Luwa at kasing lapad ng mangkok ang mga mata niya. At parang dahon ng saging ang mga tenga niya.

Dahil sa pagka-pangit-pangit ng pang-2 asawa, walang payag na lumapit sa kanya. Nawalan ng luob ang babae at hindi na kumain mula nuon, at namatay pagkaraan lamang ng ilang araw.