Huwebes, Nobyembre 24, 2011

Ano ang Salawikain?

Ang Salawikain o kasabihan ay mga maiiksing pangungusap na lubhang makahulugan at naglalayong magbigay patnubay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. nagtataglay ng mga pangaral at karunungan sa pamamagitan ng mga salitang may tugma at sukat. Ito ay ginagamit noong sinauna, maging sa kasalukuyang panahon upang magpayo, gumabay at magturo ng mabubuting asal.


Paggamit:
Nilalarawan din ang mga salawikain bilang mga palamuti sa wika, mga pananalita ng mga ninunong naisalin ng isang salinlahi sa pangkasulukuyang mamamayan, at bilang karunungang natutunan mula sa karanasan, na nakapagsasaad ng damdamin, paglalahad, o opinyon. Bukod pa rito, nagagamit din ang mga salawikain para hindi masaktan ang damdamin ng ibang mga tao. Isang halimbawa nito ang katagang: "Bato-bato sa langit, pag tinamaan huwag magagalit." Sa pamamagitan ng pagsipi ng tama at napapanahong salawikain, maaaring ilahad ng isang tao ang awa, paglalagay niya ng sarili sa katauhan ng ibang tao.

Narito ang ilan sa halimbawa ng mga salawikain at ilan na may paliwanag.

Salawikain: Pagkahaba-haba man ng prusisyon, sa simbahan din ang tuloy.
Kahulugan: Sa tinagal-tagal man ng samahan ng magkasintahan, sa bandang huli ay humahantong din ito sa kasalan.

Salawikain: Ang taong nagigipit, sa patalim man ay kumakapit.
Kahulugan: Ang taong nagigipit kung minsan ay napipilitang gumawa ng mapangahas na bagay na maaaring maging dahilan upang lalu lamang siyang magipit. Halimbawa, ang taong may mabigat na pangangailangan ng pera ay nagagawang mangutang ng patubuan, tulad ng five-six, na nagiging dahilan upang lalu pa siyang mangailangan ng pera.

Salawikain: Pag maliit ang kumot, magtiis kang mamaluktot.
Kahulugan: Kung nakakaranas ng kakulangan sa buhay ang isang tao ay dapat siyang mamuhay ng naaayon sa kanyang kakayahan. Matutong magtipid at maging payak sa pamumuhay.

Salawikain: Kung hindi ukol, hindi bubukol.
Kahulugan: Ang swerte sa buhay ay huwag asahang makakamtan kung hindi nakalaan para sa iyo.

Salawikain: Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.
Kahulugan: Hindi sapat na tayo ay humingi ng awa sa Diyos, kailangan din natin na pag-ukulan ng sikap at gawa upang matamo ang mimithing biyaya.

Salawikain: Lahat ng gubat ay may ahas.
Kahulugan: Saan man sa ating lipunan ay may mga taong traydor na gumagawa ng mga bagay na nakalalason o nakasisira sa samahan ng bawat isa.

Salawikain: Magkulang ka na sa magulang huwag lamang sa iyong biyenan.
Kahulugan: Kadalasang ipinapayo ito sa mga nagbabalak magpakasal o sa mga bagong mag-asawa upang mapabuti ang kanilang pagsasama. Ang mga magulang kase ay higit na mapagtatakpan o mapapatawag ang pagkukulang ng sariling anak keysa sa pagkukulang ng ibang tao.

Salawikain: Kung ano ang puno, siya ang bunga.
Kahulugan: Ginagamit sa paghahambing ng anak sa kanyang mga magulang. Sapagkat ang mga magulang ang humuhubog sa pagkatao at pag-uugali ng anak, ang anak ang nagiging larawan ng pagkatao at pag-uugali ng kanyang mga magulang. Ang mabuti (o masamang) anak, ay karaniwang ibinubunga ng mabuti (o masamang) mga magulang.

Salawikain: Kung ano ang itinanim, ay siyang aanihin.
Kahulugan: Kung ano ang ginawa mo sa kapwa ay kadalasang ganun din ang gagawin sa iyo. Halimbawa kung naging matulungin ka sa kapwa ay tutulungan ka rin ng mga taong tinulungan mo.


Mga Salawikain patungkol sa pakikisama, pakikipag-kaibigan at pakikipag-kapwa tao.
    • Puri sa harap, sa likod paglibak
    • Kaibigan kung meron, Kung wala'y sitsaron
    • Ang tunay mong kaibigan, nasusubok sa gipitan
    • Matabang man ang paninda, matamis naman ang anyaya
    • Kapag tunay ang anyaya, sinasamahan ng hila
    • Walang paku-pakundangan, sa tunay na kaibigan
    • Hindi sasama ang pare, kundi sa kapwa pare
    • Matapang sa kapwa Pilipino, susukot-sukot sa harap ng dayo
    • Ang taong tamad, kadalasa'y salat
    • Mag-aral kang mamaluktot habang maigsi ang kumot
    • May pakpak ang balita, may tainga ang lupa
    • Sagana sa puri, dukha sa sarili
Mga Salawikain patungkol sa kabutihan, kabaitan, kagandahang asal, pagpapakumbaba at pag-ingat.
    • Ang ibinabait ng bata, sa matanda nagmula
    • Ang magandang asal ay kaban ng yaman
    • Pagsasama ng tapat, pagsasama ng maluwat
    • Ang may malinis na kalooban ay walang kinatatakutan
    • Ang mabuting halimbawa, ay higit na mabisa kaysa pahayag na dakila
    • Ang katotohana'y kahit na ibaon, lilitaw pagdating ng takdang panahon
    • Ang ibinabait ng bata, sa matanda nagmula
    • Magbiro ka sa lasing, huwag sa bagong gising
    • Bago mo sikaping gumawa ng mabuti, kailangan mo munang igayak ang sarili
    • Ang lumalakad ng marahan, matinin man ay mababaw. Ang lumalakad ng matulin, kung matinik ay malalim
Mga salawikain patungkol sa mga pangako at ka kawalan ng kaya.
    • Buhay-alamang, paglukso ay patay
    • Kasama sa gayak, di kasama sa lakad
    • Ang tao na walang pilak, parang ibong walang pakpak
    • Ang hindi tumupad sa sinabi, walang pagpapahalaga sa sarili
    • Gaano man ang iyon lakas, daig ka ng munting lagnat
    • Ang maniwala sa sabi-sabi'y walang bait sa sarili
Mga salawikain patungkol sa pagkakaisa at pagtutulungan.
    • Anuman ang tibay ng piling abaka, ay wala ring lakas kapag nag-iisa
    • Kaya matibay ang walis, palibhasa'y nabibigkis
    • Ang mabigat gumagaan pag napagtutuwangan
    • Ang lakas ay daig ng paraan
    • Minsan man at kong golpe, daig ang pitong biyahe
    • Ako, ikaw o kahit sinumang nilalang, tayong lahat ay arkitekto ng sariling kapalaran
Mga salawikain patungkol sa kagitingan at katapangan.
    • Ang lihim na katapangan ay siyang pakikinabangan
    • Sa larangan ng digmaan, nakikilala ang tapang
    • Marami ang matapang sa bilang, ngunit ang buong-loob ay iilan
    • Ang bayaning masugatan, nag-iibayo ang tapang
    • Nawala ang ari, ngunit hindi ang lahi
    • Ang lalaking tunay na matapang, hindi natatakot sa pana-panaan
    • Kapag pinangatawanan, sapilitang makakamtan
Mga salawikain patungkol sa pagtitiis.
    • Hanggang maiksi ang kumot, magtiis na mamaluktot
    • Pag may hirap, may ginhawa
    • Walang ligaya sa lupa na di dinilig ng luha
    • Pag may kalungkutan, may kasiyahan
    • Kung aakyat ka nga't mahuhulog naman, mabuting sa lupa'y mamulot na lamang
    • Pagkapawi ng ulap, lumilitaw ang liwanag
Iba pang salawikain...
    • Nasa Diyos ang awa,nasa tao ang gawa.
    • Kapag ang tao'y matipid,maraming maililigpit.
    • Ano man ang gagawin, makapitong iisipin.
    • Ang hindi napagod magtipon, walang hinayang magtapon.
    • Madali ang maging tao, mahirap magpakatao.
    • Ang tunay na anyaya, sinasamahan ng hila.
    • Ang magalang na sagot ay nakakapawi ng poot.
    • Ang gawa sa pagkabata,dala hanggang pagtanda.
    • Pag di ukol, ay di bubukol.
    • Kung sino ang masalita ay siyang kulang sa gawa.
    • Daig ng maagap ang taong masipag.
    • Ako ang nagbayo ako ang nagsaing saka ng maluto'y iba ang kumain.
    • Ubus-ubos biyaya, pagkatapos nakatunganga.